ALAMIN: Pananagutan ng driver at may-ari ng sasakyan kapag nakaaksidente sa daan

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 04:06 PM

Ang kakulangan sa pag-iingat ang isa sa madalas na dahilan ng mga aksidente sa daan.

Kamakailan lang, isang buhay ang nawala at hindi bababa sa apat ang sugatan sa pagkarambola ng 18 sasakyan sa C5 Ortigas Flyover, Pasig City. 

Pero ano nga ba ang mga pananagutan ng driver at ng nakarehistrong may-ari ng sasakyan kapag nagkaroon ng pinsalang dulot ng hindi maingat na pagmamaneho?

Sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, ipinaliwanag ni Atty. Claire Castro na maaaring sampahan ng biktima ang nagmamaneho ng sasakyan ng 'reckless imprudence resulting to physical injuries o damage to properties'. 

Paliwanag ni Castro, ang 'reckless imprudence' ay ang aksiyon na nagdulot ng isang krimen nang hindi sinasadya o walang intensiyong gawin pero nakapagdulot ng danyos sa tao o sa ari-arian. Isa itong criminal liability sa ilalim ng Revised Penal Code. 

Mananagot ang driver sa lahat ng danyos na naidulot niya dahil sa hindi maingat na pagmamaneho.

Pero kung ang nagmamaneho ay hindi ang may-ari ng sasakyan, magkakaroon ng pananagutan ang 'registered owner' kung hindi kayang magbayad ng driver. 

"Kung 'yung may-ari, kahit hindi ikaw ang nagda-drive, empleyado mo 'to [ang driver]. Tapos hindi ka naman nagpakita na tama 'yung pagkuha ng empleyado mo, naging pabaya ka rin sa pagkuha ng tamang empleyado. Ikaw, bilang registered owner ng sasakyan, mayroon ka ring liability," ani Castro.

Kung sakali namang may namatay dahil sa hindi maingat na pagmamaneho, nasa driver ang criminal liability. Hindi makukulong ang registered owner pero may pananagutan pa rin ito dahil sa mga nagawang pinsala ng nagmamanehong empleyado.

"Kaya 'yung iba, sine-separate ang pagfa-file ng kaso, kasi puwede mong i-separate yung civil liabilities. So ang ifa-file mo lang ang criminal liabilities para makulong siya. Pero in your mind, alam mo hindi naman niya kayang [magbayad] so magfa-file ng separate na kaso for civil liability na ang kakasuhan naman ang may-ari," aniya.

Kung magkaroon naman ng karambola, makakasuhan ang pinaka naging dahilan ng pangyayari at maaabsuwelto ang mga nadamay lang sa insidente. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.