ALAMIN: Mga pang-akit ng pag-ibig at pera

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 06:13 PM

Romansa o kaya nama’y mas maraming pera ba ang hanap mo ngayon?

Ayon sa life coach at psychic na si Stargazer, maaaring nasa kusina mo lamang ang ilang sangkap para mas makaakit ng suwerte sa pag-ibig at pera.

Sa programang Pinoy Vibes sa DZMM, tinalakay nina Stargazer at Eric de Silva, ang herbs o mga nakasanayang halamang gamot na maaaring gamiting pampasuwerte.

Paliwanag ni de Silva, mainam na pang-akit ng romansa ang cinnamon, sage, clove, rosemary, jasmine, at ilang-ilang.

“Kapag loveless tayo, or we need more love in our life, we can burn those herbs. What we can do is pagsama-samahin lang natin, kuha lang tayo ng pinch of each herb na attributed sa love, lagay natin sa dikdikan, at dikdikin natin,” turo ni de Silva. “But while doing it, the intention should be clear na ‘dapat bigyan mo ko ng pag-ibig’ at sabihin mo kung kailan, intention should be complete, precise and direct.”

Mas lalo raw magiging epektibo ang pang-akit ng romansa kung may kulay pink sa paligid dahil iyon daw ang kulay ng pag-ibig.

Matapos dikdikin ang mga sangkap, puwedeng itabi muna ito ng isang araw bago sindihan para sunugin. Maaari rin namang ilagay sa pouch ang mga dinikdik na sangkap para isabit sa bahay o kaya’y sa sarili.

Puwede rin daw katasan o gumawa ng oil mula sa mga nasabing sangkap. Maaaring ipahid ang oil sa wrist o kaya’y sa likod ng tainga gaya nang ginagawa sa pabango.

Paalala lang nina Stargazer at de Silva, mag-ingat kung may allergic reaction sa mga nasabing sangkap. Huwag ding gagamit ng synthetic oils dahil hindi raw iyon kasing-epektibo ng tunay na katas.

Mainam din daw na "gayuma" ang almond. "Almond nut, lagyan niyo ng cinnamon oil, it's a very good amulet po to attract love," paliwanag ni de Silva.

Sa mga naghahanap naman ng suwerte sa pera, payo nina Stargazer at de Silva na magkuskos ng dahon ng basil sa kamay bago humawak ng pera. Puwede ring maglagay ng dahon ng basil sa pitaka bilang pampasuwerte.

Puwede rin daw maglagay ng basil o kaya tarragon sa pouch at magpunta sa bangko o iba pang lugar na karaniwang iniuugnay sa maraming pera para makaakit ng enerhiyang pinansiyal.

May pampasuwerte rin sa negosyong ibinahagi si de Silva.

“Sa negosyo, you can put a cinnamon stick, i-ribbon niyo po ng 7 times, itatali [ng] color green, i-hang sa pinto ng establishment,” ani de Silva.

Paalala ni Stargazer, tiyaking isasabit ang tinaliang cinnamon stick sa itaas na bahagi ng loob na frame ng pintuan para papasok lagi ang suwerte. Huwag daw iyong isasabit sa mismong pinto o sa labasang bahagi dahil baka maglabas-masok daw ang suwerte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.