Dating karinderya boy, matagumpay na negosyante ngayon

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 07:56 PM | Updated as of Jul 25 2017 05:40 PM

Ang pagkakaroon ng puso at panlasang Pinoy ni Ronald Callao, pati ang karanasan niya bilang bantay sa karinderya noong kanyang pagkabata, ang ginawa niyang inspirasyon sa pagsisimula at pagpapaunlad ng ngayo'y matagumpay niyang negosyong 'Boy Kanin'.

Bata pa lamang si Ronald Callao, natuto na siyang magbanat ng buto at mamulat sa negosyo.

Noong 10 taong gulang pa lamang siya, siya na ang nagmamaneho para sa negosyo ng kanyang magulang. Nagdadala sila noon ng mga seafood mula Bicol na ibinabagsak nila sa mga pamilihan. Siya ang nagdadala ng mga ito sa mga lugar gaya ng Divisoria.

“I was forced to work at a very young age. Di ko naranasan yung teenage life talaga, in all honesty, kasi bawal akong mapuyat. By 7, by 8, kailangang tulog na ako kasi ang start ng negosyo ng mother ko, by 12," aniya.

Ngunit nang magkaroon ng malawakang banta ng red tide sa bansa, humina ang negosyo ng kanyang pamilya, hanggang tuluyan na itong magsara.

"We sold our house. We sold our cars [na ginamit noong] nagkaroon ng taxi business ang parents ko. Binenta iyon para may pambayad doon sa sinupply sa amin," kuwento niya.

Dahil dito, nagkaroon ng dagok ang kanyang pamilya, kaya kinailangang tumulong ni Callao sa kanyang ina.

Sakripisyo para sa pamilya

Para makabangon muli, nagtayo ang nanay ni Callao ng karinderya. Siya ang tumao dito.

"My mother needs somebody to assist 'yung livelihood namin. So nagsakripisyo nga ako actually noong college kami, so puro mga kapatid ko muna ang nag-aaral, so ako ang naiwan,”

“12 na putahe araw-araw. Ako na 'yung boy, ako 'yung cook, ako 'yung driver, ako pa 'yung bantay,” aniya.

Ang karinderya ng ina ang bumuhay sa pamilya. Iyon din ang nakapagpaaral sa kanya, ngunit kinapos sila ng pangmatrikula sa kalagitnaan ng kanyang pagkokolehiyo.

Tumigil si Callao sa pag-aaral noong 3rd year college na siya dahil sa problema sa pera, ngunit hindi iyon naging dahilan upang sumuko siya sa buhay.

Nagtrabaho bilang boy sa isang publication company si Callao noong taong 2000. Sa trabahong ito, sinuyod niya ang Maynila para mag-alok ng subscription sa diyaryo. Sinubok dito ang kanyang pasensya, pati na rin ang kanyang abilidad sa pagbebenta at sa pagtitipid.

"House to house, database, telemarketing, door knocking, kailangan lang ng abilidad. Titiisin mo 'yung init. Minsan, di ka magla-lunch. Transpo allowance nga lang ang meron ka,"

Tuloy ang pangarap

Nasuklian naman ang pagpupursige ni Callao, at na-promote siya bilang Head ng Sales and Distribution, pero di nawala sa kanyang isip ang pagkakaroon ng negosyo.

Sa karanasan sa karinderya kumuha ng inspirasyon si Callao.

“Dream ko talaga na to have my own [negosyo]. Kahit maliit, kahit ano 'yan. 'Yun 'yung jump ko from being an employee to being an entrepreneur. It’s just a leap of faith. No planning at all. Sabi ko, gusto ko nang maging entrepreneur. Di ko pa alam kung ano ang bubuuin ko that time,”

Mula sa kanyang ipon, sinimulan niya at ng isang business partner ang Boy Kanin.

Sinimulan niya ang negosyo dahil nakita niyang wala pang food cart na tunay na Pinoy.

"Marami tayo ng mga siomai, which is Chinese. May iba na Oriental naman. Wala talaga tayong masasabing Pinoy na Pinoy na food cart na. Mayroon tayo restaurants. Being a patriot, gusto ko talaga mag-focus on promoting Filipino with class,"

Ngayon, may 25 branches na ang 'Boy Kanin', at puwede na ring mag-franchise nito.

Pagbida sa putaheng Pinoy

Mga klasikong putaheng Pinoy gaya ng adobo, bistek, at silog meals na kinalakihang kainin at ibenta sa karinderya ng pamilya ang ngayo'y iniaalok sa Boy Kanin.

Siyempre, hindi mawawala ang kanilang espesyal na paella rice.

Dahil naman mahilig din sa sawsawan ang mga Pinoy, hindi nila nakaligtaang maghanda ng suka na kanilang sariling gawa.

Pinoy na Pinoy rin ang kanilang inumin dahil salabat ang kanilang inihahain. Naisip daw na ihain ito nang makita niya ang tanim na luya ng isang komunidad ng mga katutubo habang siya ay nagbibisikleta.

Upang makatulong at mabigyan ng kabuhayan ang komunidad na iyon, binibili nila ang lahat ng luyang itinatanim upang gamitin sa kanilang inuming salabat.

'Walang imposible'

Malaking bahagi ng tagumpay ni Callao ngayon ang kanyang mga pinagdaanan sa buhay.

Aniya, kailangan lamang magbalik-tanaw sa buhay upang makita na lahat ng nangyayari sa isang tao ay magkakaugnay.

"'Yung mga nangyari sa buhay mo, mula pagkabata mo up to your current stage, connected 'yan. You have to look back. Analyze mo. Ah, kaya pala ako naging crew, kasi magagamit ko 'yon. Ah, kaya pala ako nagkarinderya kasi sa food din ako mapupunta. Ah, kaya pala ako napasok sa newspaper kasi 'yung matutunan ko doon sa operations, sa marketing, sa selling, magagamit ko pala siya sa current na dream ko. Everything is connected," ayon kay Callao.

Para kay Callao, wala namang pinagkaiba ang dating karinderya sa kasalukuyang negosyo. Kailangan lang ding magkaroon ng tiyaga, pangarap, at pagmamahal para sa ginagawa upang magtagumpay.

“Walang difference in terms of our passion to serve. Nag-evolve lang siya from a simple karinderya to ngayon, meron na kaming nasa mall na. Location lang ang difference. Ang puhunan ko talaga rito ay passion, dream, perseverance. Kasi 'yon ang sinasabi ko. When you have those three, money will come in,”

Payo naman niya sa lahat ng mga nais magnegosyo, huwag sumuko. Magkakaroon at magkakaroon ng mga hamon, ngunit hindi dapat panghinaan ng loob.

"Walang nabubuhay na walang challenges. So accept as it is... Don’t ever be discouraged. Don’t ever be disappointed in your current position. In every crisis, there’s an opportunity,"

"Feeling ko, walang imposible. If you really love what you do, there’s really time for you to grow. Meron talagang chance for you to become big," payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.