Negosyong nagsimula sa 'pie', nagkaroon ng sangay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 07:40 PM

Pagmamahal para sa kanilang ginagawa ang pangunahing sangkap sa matamis na tagumpay na tinatamasa ngayon ng mag-asawang Maricel at GJ Jimenez, ang nagtaguyod ng Banapple Pies & Cheesecakes.

Walang pormal na edukasyon si Maricel sa pagluluto o sa pag-bake ng mga cake at pies na ngayo'y inihahanda sa restawran niya at ng asawa. Sadyang mahilig lang talaga siya sa pagluluto.

"Nag-attend lang ng seminars noong grade school at high school. Other than that, hilig po," ayon kay Maricel. 

Sa sariling bahay noon madalas na nagluluto si Maricel. Pagsapit ng 2006, naisipan niya pati ng asawang si GJ na pagkakitahan ang mga cake na kanilang ginagawa. 

Gayunpaman, tulad ng unang paggawa ng mga cake, hindi perpekto ang kanilang simula. 

"Noong nag-start po kami, siyempre, kulang sa awareness iyong brand namin, so naghahanap kami ng customers. Paisa-isa," kuwento ni GJ. 

Lumalapit din sila noon sa mga restawran at mga establisyemento upang maghanap ng kanilang masu-suplayan ng mga cake at pastries, lalo na ng kanilang banoffee pie na isa sa mga pinakauna nilang inialok sa mga customer. 

Hindi rin ito naging madali para sa kanila dahil marami silang naging kakompetensiya sa industriya.

"Sometimes, nare-reject ka ng mga pine-present-an ninyo," ani GJ. 

Hindi naman nagpagupo sa mga hamong ito ang mag-asawa, at nagpursige pa rin sila sa pagde-deliver ng kanilang mga produkto sa mga kliyente nila.

Hanggang isang araw ay narinig nilang mahilig daw sa blueberry cheesecake ang broadcaster na si Winnie Cordero, kaya pinadalhan nila siya nito sa istasyon. Dahil diyan, agad din silang naimbitahan para makapanayam. 

Ayon kay GJ, simula nang mag-guest sila kay Winnie Cordero, unti-unti nang lumakas ang kanilang benta. 

Kasabay nito ang sobrang pagpatok ng kanilang specialty na banoffee pie.

"Iyong flavors niya, very balanced. Di ka magsasawa. When you taste it, paulit-ulit mong kakainin at babalikan," pagmamalaki ni Maricel. 

Para kasi sa mag-asawa, pinakamahalagang pagtuunan ng pansin ang kalidad ng produkto at mahalin ang trabaho upang maging matagumpay.

"Quality, at dapat mahal natin iyong trabaho natin. Mahal natin ang paggawa ng cakes, ng mga pagkain. Huwag kalimutang magdasal," ayon kay GJ.

Ngayon, nagdiriwang ng ika-10 taon ang restawran ng mag-asawa. 

Lumawak na rin ang mapagpipilian sa kanilang menu. Maliban sa cakes at pastries, mayroon na rin silang mga inihahaing ulam at pasta. 

Sa pamamagitan ng kanilang baked goods, hindi na lamang sa kanilang tahanan nagpapalaganap ng pagmamahal ang mag-asawa, kundi pati na rin ngayon sa 15 branches o sangay ng kanilang kainan sa Metro Manila. 

Paano gumawa ng banoffee pie?

Ngayong sintamis ng kanilang ginagawang cakes at pastries ang tinatamasang tagumpay ng mag-asawang Jimenez, hindi nila ipinagdadamot ang proseso ng paggawa sa kanilang pinakapatok na produktong banoffee pie.

Unang pinaghahalo ang durog na graham crackers, asukal, at mantekilya. 

Kapag maigi na ang pagkakahalo, ilipat ito sa isang baking pan. Ilatag ito sa ilalim ng pan, at saka diinan upang magdikit dikit. Ito ang magsisilbing 'crust' ng pie. 

Maghiwa ng mga saging. Siguraduhing matatakpan nito ang kabuuan ng pan. 

Ayon kay Maricel, inaabot ng isang kilong saging na lakatan ang inilalagay sa bawat pie upang masigurong mayroong makakain nito sa bawat kagat. 

"Kapag ini-slice, you have to make sure that every bite, mayroong banana," ani Maricel.

Matapos nito, ihalo sa saging ang toffee o ang napakalapot na timpladong asukal. Homemade ang ginagamit na toffee sa banoffee pie ng Banapple. Inaabot ng ilang oras ang paggawa nito. 

Kapag nahalo na nang maigi, maaari nang lagyan ng whipped cream sa ibabaw. Ihulma ang whipped cream upang maging malinis at maayos ang hitsura nito. 

Panghuli, para mas lalong magmukhang katakam-takam, palamutian ang cake ng chocolate curls sa ibabaw. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.