ALAMIN: Paano maiiwasan ang pekeng towing service?

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 06:13 PM | Updated as of Jul 09 2018 07:46 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sakit sa ulo ng mga motorista at awtoridad ang mga kolorum na towing company na nangingikil sa mga may-ari ng mga nakabalanbang sasakyan sa kalsada.

Kaya mas hinigpitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon kontra sa pekeng towing services.

Nabisto ng MMDA kamakailan ang isang hindi awtorisadong towing service na tila bantay-salakay sa mga motorista sa kahabaan ng Osmeña Highway.

Ayon sa pinuno ng MMDA Special Operations na si Edison Nebrija, may mga palataandaan na dapat tingnan ang mga motorista upang malaman kung lehitimo ang isang towing company na hihila sa sasakyan ng mga ito.

"'Yong mga kolorum na tow trucks na 'yan, they don't operate by day, they operate by night, kung kailan kaunti na 'yong sasakyan at wala na 'yong enforcement natin," ani Nebrija.

Aniya, ang mga accredited towing company ay may logo ng MMDA sa mga towing truck nito. Bukod dito, dapat din nakalagay ang pangalan ng towing company at ang itinalaga ng MMDA na tow truck number.

Sa gilid ng trak, nakapaskil kung magkano ang multang ipapataw na nakadepende sa laki ng sasakyan at layo mula sa impounding area.

Ang mga tauhan naman, dapat naka-uniporme at may suot na reflectorized vest. Kailangan din na may maipapakitang ID ang mga ito.

Kung may alinlangan pa rin, maaaring humingi ng kopya ng accreditation.

"In situations that you doubt that the towing company is legit or not, puwedeng hingian ng accreditation, it is important kasi marami [na] kami tinanggalan ng accreditation," saad ni Nebrija.

"Hindi na dapat mag-operate [pero] maaaring ibalik nila 'yong marking, they might resemble a legitimate tow truck," dagdag niyang paalala.

Narito ang pinakahuling listahan ng mga awtorisadong towing company ng MMDA.

Sa mga nabiktima ng pekeng towing service, maaaring magtungo sa Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) para makapagsampa ng kaso laban sa mga operator ng kolorum na mga tow truck.

Tamang multa

Narito ang mga tamang multa na ipinapataw ng MMDA at ng mga awtorisado nitong towing company:

Ang mga light vehicle o may bigat na 4,500 kilograms pababa ay pagmumultahin ng P1,500 sa unang 4 na kilometro.

Ang medium vehicles o mga sasakyan na may bigat na 4,501 kilograms hanggang 7,500 kilograms, pagmumultahin ng P2,500 sa unang 4 na kilometro.

Ang mga mabibigat na sasakyan o may timbang na 7,501 kilograms pataas, pagmumultahin ng P4,500 sa unang 4 na kilometro.

Bukod sa base penalty, may dagdag na P200 sa bawat kilometro hanggang makarating sa impounding area.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.