Negosyong sisig: ideyang sizzling na tadtad ng tagumpay

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 06:10 PM

Ginawang pulutan sa isang inuman session ang pagbuo ng ideya sa ngayo'y matagumpay na negosyong sisig ng isang mag-ama.

Sisig ang isa sa mga paboritong pulutan ng mga Pinoy, lalo na kung may kapares na inuming malamig.

Kaya naman sa isang inuman session din nabuo ang ideya ng isang dating sales supervisor na si Gerry Quirap na magnegosyo ng sisig.

Kuwento ni Gerry, ''One time na nagkakasiyahan kami ng barkada, may nagsabi na may marunong gumawa ng sisig. Sabi ko, sige subukan natin. I-collaborate nating mabuti tapos tingnan natin kung paano natin ima-market.''

Nang matikman niya ang lutong sisig ng kumpare, naisip niyang magnegosyo at agad na gumawa ng paraan para makakuha ng puhunan.

"Twenty five years ako sa company. Napansin ko, hindi ako yumayaman. Nakita ko 'yung amo ko, yumayaman. Eh, isa ako sa nagpapayaman sa kanya. Naisip ko, kung magnenegosyo ako, siguro mararating ko rin ang narating ng amo ko," aniya.

Sa pagsisimula ng negosyo, naging kasosyo ni Gerry ang kanyang anak na si Renren na third year college pa lang noon sa kursong B.S. Management, major in Marketing.

Itinayo ng mag-ama ang unang branch ng Reko's Sisig Point sa kanilang lugar sa Trece Martires.

Pagkatapos ng 4 na buwan, nagtayo na sila ng kanilang ikalawang branch hanggang sa dumami na ang kanilang branch. Maaari na ring mag-franchise ng kanilang negosyo.

Sa ngayon, isa ang sisig ng mag-ama sa mga nangungunang kainan sa Cavite.

Tandem ng mag-ama

Bago naging matagumpay sa negosyo si Gerry, dumaan din siya sa mga pagsubok sa buhay.

Maagang namulat sa kahirapan si Gerry. Ipinagsabay niya ang pag-aaral at ang pagtatrabaho bilang isang janitor sa pampublikong palikuran tuwing gabi. 

"Kaya naman pinilit ko na magnegosyo din si Ren [kasi] ayokong danasin niya ang dinanas kong hirap," ani Gerry.

Panganay na anak ni Gerry si Renren na lumaking 'daddy's boy'. Noong pitong taong gulang siya, nagpasyang maghiwalay ang kanyang mga magulang. 

"Noong una, siyempre bata pa ako, ayoko silang maghiwalay. Pero nang tumagal-tagal na mas okay na ganoon na lang. Okay na rin sa 'kin kasi masaya naman si Mama, masaya na din si Papa. Kung saan sila masaya, okay na ako doon," sabi ni Renren.

Bagama't nagkahiwalay ang mag-asawa, hindi tinakbuhan ni Gerry ang kanyang responsibilidad sa anak.

"Kahit saan ako tumira, kahit 5 a.m. ang pasok n'yan, dadaanan ko siya ng 4:30 a.m. para ihatid sa school. Ako nagpapabaon, ako naghahatid sa school. Ina-assure ko sa kanya na hindi man kita makasama sa pagtulog, pero habangbuhay mo ako makakasama. Hindi kita iiwan," ani Gerry.

Tinitingala ni Renren ang kanyang ama pagdating sa negosyo pero nakakakuha rin ng ideya si Gerry sa mas nakababata.

"Ako kasi based on experience. Siya kasi, pinag-aralan talaga niya. Ang ideya ko hindi agad niya nagugustuhan o meron pa rin siyang pag-aalinlangan. Pero habang tumatakbo ang araw at saka oras, nakikita naman niya ang pagkakaiba. Pinag-uusapan naman namin. Pagpinasama namin ang experience at pinag-aralan, magiging smooth,"ani Gerry.

Bukod sa magkasosyo sa negosyo, tinuturing nila ang isa't isa bilang 'best friends' na lalong nagpapatibay sa kanilang tiwala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.