Ikatlong zipline sa Hundred Islands, bukas na sa publiko

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 06:43 PM

PANGASINAN - Binuksan na ang ikatlong zipline sa Hundred Islands National Park nitong Miyerkoles.

May habang 345 meters ang two-way zipline mula Quezon Island hanggang sa Lopez Island.

Tampok din sa zipline ang mini Eiffel Tower.

Isa sa mga unang sumubok sa zipline si Rev. Fr. Roberto Casaclang. Aminado ang pari na noong una ay natakot siyang subukan ito.

"Umpisa natakot ako. Masaya pala," aniya.

Tinitiyak naman ng kumpanyang kinontrata ng lokal na pamahalaan na ligtas ang kanilang mga equipment at dumaan sa quality control.

Mahigit tatlong buwang binusisi ng kumpanya ang zipline. Sila rin ang kumpanyang gumawa sa dalawang naunang zipline sa Hundred Islands.

Inaasahan na magiging isa ito sa mga atraksyon sa Hundred Islands.

Mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito ay umabot sa 300,000 ang mga dumayo sa Hundred Islands, kaya malaking bagay umano na may mga pagbabago sa mga isla para lalo pa itong dayuhin ng mga turista.

Una nang nagkaroon ng zipline mula sa Quezon Island at sa Governor Island.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.