Paano mababawasan ang gastos sa pagpapakasal

Rose Carmelle Lacuata, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 05:43 PM

San Agustin Church, Intramuros, Manila

Isa sa mga dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga magkasintahang nagpapakasal ay ang malaking gastos na kadalasang kaakibat ng pagpapakasal.

Ayon kay Armand Bengco, isang financial and investment expert, maraming mga paraan upang mabawasan ang gastos sa pagpapakasal.

"Wala namang nakakaalam ng ginastos mo, sa totoo lang. Wala namang price tag sa gown, wala namang price tag sa pari, wala namang price tag doon sa bawat pagkain. Ang nakakaalam lang talaga 'yung naghanda doon sa kasal," aniya.

Dagdag pa ni Bengco, maaring magtanong sa mga kaibigan o mga kakilala para sa mga lugar na maaring gamitin bilang venue ng kasal.

Mas mahalaga rin umanong pagtuunan ng pansin ang dokumentasyon ng kasal sa pamamagitan ng mga retrato at bidyo.

"Kasi sa kasal naman, sa totoo lang, ang dapat mo talagang pinagkakaingatan 'yung photo documentation at video, 'di ba? Dahil 'yun naman ang babalikan mo eh," ani Bengco.

Sa kabila nito, mahalaga umano na makipag-usap sa maraming mga supplier para masiguro ang kalidad ng mga produkto at serbisyong gagamitin sa kasal.

Dagdag naman ng "Sakto" host na si Amy Perez, maaring makatipid sa gastos sa pamamagitan ng pagkausap sa mga ninong at ninang o kaya mga kaibigan.

Sa halip na magbigay ng regalo, maaring sagutin ng mga kaibigan o mga kamag-anak ang ilang mga pangangailangan sa kasal tulad ng reception, catering o kaya make-up para sa bridal entourage.

Dagdag pa ni Perez, maari ring magtipid sa mga bulaklak, lalo na't nalalanta naman ang mga ito at hindi maaring mapakinabangan matapos ang mismong kasal.

"Gawin niyo po kung anong akma sa personalidad at budget," aniya.

Kung talagang kapos sa badget, maaring limitahan ang bilang ng mga bisita. Maari ring ihiwalay ang pagpapakain sa mga kaibigan at kamag-anak.

"Mas mahal ang singil kapag kasalan kaysa kapag ordinaryong araw," ani Bengco.

Para kay Bengco, bukod sa paghahanda sa mismong araw ng kasal, mas mahalagang paghandaan ang mga gastusin sa unang taon ng pagiging mag-asawa, lalo na kung nagbabalak nang magkaanak ang bagong kasal.

Aabot sa P100,000 hanggang P200,000 ang kakailanganin para sa isang simple pero eleganteng kasal.

"Hindi naman kailangan na 'yung pinakamahal, pinakamagarbo, baka maihambing ka lang na katulad ng marami. Maganda yung naiiba kayo," aniya.

Samantala, hinikayat naman ni Fr. Jerome Secillano ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na hingin ang basbas ng Simbahan sa kanilang pagsasama.

Dagdag pa niya, hindi totoong ang pagpapakasal sa simbahan ang nagpapamahal sa pagpapakasal, dahil mayroong mga simbahang hindi naniningil ng charge sa mga magpapakasal kung talagang hindi nila kayang magbayad.

"Hindi totoo na ang kasal sa simbahan ang nagpapamahal dito. Ang nagpapamahal dito ay ang kapritso ng nagpapakasal," ani Secillano.

Mayroon rin umanong mga parokyang nagdadaos ng mga "kasalang bayan" para sa mga magkasintahan na gustong magpakasal sa simbahan.