PNP chief, sinabing kaanak siya ni Jose Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 12:38 AM

Ipinagmalaki ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa na kaanak daw siya ng pambansang bayani na si Jose Rizal. Aniya, may isang lola si Rizal na “Dela Rosa” ang apelyido.

Pinangunahan ni Dela Rosa ang pagdiriwan sa ika-156 anibersaryo ng kaarawan ni Rizal Sa Calamba, Laguna.

“Kine-claim kong kamag-anak, descendant ako ni Jose Rizal,” ani Dela Rosa. “Lahat naman tayong Pilipino very proud of our national hero, di ba?”

Parte ang okasyon ng Buhayani Festival ng Calamba City kung saan kinikilala hindi lang ang mga bayani ng nakaraan, kundi pati ang mga itinuturing na bayani sa makabagong panahon. 

Binigyang pugay ni Dela Rosa ang mga pulis at sundalong nag-alay ng buhay sa patuloy na bakbakan sa Marawi city. Sana raw, higit sa pagdiriwang ng birth anniversary ni Rizal, magsilbi rin itong panahon para muling buhayin ang tunay na diwa ng kalayaan at kapayapaan sa bansa.

Kasaysayan ng iba’t ibang lugar sa Pilipinas, tampok sa ‘KulTOURa’

Kasabay ng anibersaryo ng kaarawan ni Jose Rizal, inilunsad ang "KulTOURa" mobile app ng National Commission for Culture and the Arts, katuwang ang Department of Tourism at Smart Communications. Isa itong smartphone application kung saan puwedeng mag-'virtual tour' o maglakbay online ang netizens sa mga makasaysayang lugar tulad ng Intramuros at Rizal Park. 

Sa pilot version ng app, inilatag din ang kasaysayan ng NCR, Region 3, MIMAROPA, Cebu, at Davao. Target ng app na maisama ang kasaysayan ng buong bansa sa updated versions na ilalabas. 

-- May ulat nina Henry Atuelan, Mariz Laksamana, at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.