Magkakapatid na albino, anak ng engkanto?

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 07:17 PM

Anim sa 12 na magkakapatid sa Sitio Han-ayan, Diatagon, Surigao del Sur ang ipinanganak na kakaiba: kulay mais ang kanilang buhok, ubod ng puti ang balat, at kulay abo ang mata.

Dahil sa kanilang kakaibang katangian, naging usap-usapan sa kanilang bayan na anak sila ng engkanto. 

Ina ng magkakapatid, sinabing may nakarelasyong engkanto

Inamin din naman ng kanilang nanay na si Silveria Campos na may nakarelasyon siya na kakaibang nilalang.

Kuwento ni Silveria, sa liblib na lugar siya lumaki at 10 taong gulang siya nang nagpakita sa kanya ang kakaibang nilalang. Noong una ay sa panaginip aniya sila nagkikita at takot siya rito dahil tila binabantayan siya sa kanyang pagtulog.

Dumating din naman ang panahon na nakapalagayan niya ito ng loob at nakikipagkuwentuhan na siya rito.

Nang makilala ni Silveria ang asawang si Carlito, naging problema niya ang engkanto dahil hindi siya nilulubayan at nanligaw pa ito. Dahil sa takot, nakikipagkita si Silveria sa engkanto tuwing kabilugan ng buwan.

Ito ay hanggang sa ipinanganak ni Silveria ang panganay niya na may kakaibang kondisyon. Gayon din ang kanyang ikalimang anak.

Nasundan pa ito ng kambal kung saan ang isa ay ubod din puti. Nanganak din ng triplets si Silveria kung saan dalawa ang may kakaibang kondisyon.

Dahil sa kakaibang kondisyon, iniwasan ng ilan ang anim na magkakapatid at hindi sila nakapamuhay nang normal.

Bukod sa pinag-uusapan sila, sumasakit ang balat ng magkakapatid kapag natatamaan ng araw at malabo rin ang kanilang mata.

Eksperto: Albinism ang kondisyon ng magkakapatid

Pinabulaanan naman ng eksperto na kakaiba ang kondisyon ng magkakapatid dahil sa engkanto.

Ayon kay Prof. Jae Rodriguez, mayroon silang genetic condition o namamanang kondisyon na albinism.

“Ang nangyari doon sa mag-asawa, parehong tig-isa lang sila nung kopya ng gene na nagko-cause ng albinism kaya normal pa rin ang kanilang skin pigmentation. Nagkataon, naman nung ilan sa mga anak nila ‘yung parehong gene na nagko-cause ng albinism,” paliwanag ni Rodriguez. 

Lumalabas sa pag-aaral na isa sa 20,000 tao sa mundo ay albino o may kaparehong kondisyon.

Umaasa naman ang pamilya Campos na makapag-aral pa rin ang magkakapatid at pagsisikapan nilang pag-ipunan ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.