Alamin: Mayroon bang leave para sa mga ama?

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2017 03:18 PM

Kung ang mga ina ay may maternity leave, mayroon din namang batas na naglalaan ng paternity leave para sa mga ama.

Sa ilalim ng Republic Act 8187 o 'Paternity Leave Act of 1996', ang mga empleyado sa pribado at pampublikong sektor ay maaaring mag-leave nang may sweldo nang hanggang pitong araw kapag nanganak ang legal na asawa. 

Nagbibigay ang batas na ito ng karapatan sa mga ama na tulungan si misis kapag nanganak o kung makunan man. 

Hanggang apat na pagbubuntis o pagkalaglag maaaring gamitin paternity leave. 

Hindi naman saklaw ng batas na ito kung ang nanganak ay ang kinakasama o ang fiancee pa lamang.

Gayunpaman, maaaring magkaroon ng collective bargaining agreement o kasunduan sa pagitan ng kumpanya at mga empleyado upang makapagdagdag ng araw ng paternity leave o lawakan pa ang saklaw ng batas na ito. 

 Leave para sa solo parents

Para naman sa isang ama na nagtataguyod mag-isa sa kanyang mga anak, maaari siyang magkaroon ng parental leave na pitong araw sa ilalim ng Solo Parent's Welfare Act (Republic Act 8972). Maaari itong pumatong pa sa kasalukuyang benepisyong nakukuha sa kompanya. 

Isang halimbawa ng panahon kung kailan maaari itong gamitin ay kapag kailangan nang i-enroll ang anak o maging ang batang inaalagaan ng legal sa ilalim ng batas.

Upang mapatunayan na isang solo parent, maaaring makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan o sa social welfare and development office upang mabigyan ng isang Solo Parent ID. 

Maituturing na solo parent ang isang ama o ina na nabiyudo, legal na hiwalay sa asawa, at nasa kulungan o wala sa tamang pag-iisip ang asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.