Batang walang kamay at paa, patuloy na nagsisikap sa pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 07:41 PM | Updated as of Jun 21 2017 12:45 AM

Ipinanganak na walang kamay at paa ang grade five student na si Alecia. Gayunpaman, hindi niya hinahayaang maging hadlang ito sa kanyang pag-aaral. Sa katunayan, isa pa siya sa mga nabigyan ng scholarship ng Eduk-Aksyon Project ng DZMM Lingkod Kapamilya.

Isang biyaya sa magulang ang magkaroon ng anak. Para sa inang si Arlene Medina, isa rin itong pagsubok nang ipinanganak ang anak na si Alecia.

“Ang batang iyan, noong ipinanganak ko, akala ko wala nang pag-asa. Akala ko nasa kanya iyong walang kakayanan,” sabi ni Nanay Arlene. Ipinanganak kasing walang kamay at paa ang ngayo'y grade five student na anak. 

Si Alecia ang bunso sa tatlong magkakapatid. Nakaaawa man sa unang tingin, nagsisilbi siyang inspirasyon sa pamilya nang unti-unti siyang nagpakita ng kakayahang gawin ang mga normal na gawain ng isang bata. 

Sabi ni Nanay Arlene, ''Kung ano iyong kaya namin, kaya na rin pala niya. Kaya niyang magkutsara, mag-igib, kaya pa niyang magsalok sa balon ah. Nagsulat din po siya.''

Napakalaking bagay kay Alecia na makapagtapos ng pag-aaral. Pangarap niya kasing maging teacher. Sinisikap man ng kanyang mga magulang na matustusan ang kanyang pag-aaral, madalas ay hindi pa rin ito sapat. 

Hanggang high school ang natapos ng inang si Arlene, samantalang kasalukuyan namang nagpapagaling sa sakit sa sikmura ang kanyang ama, dahilan upang hindi siya muna makapag-pedicab ulit. Umaasa lamang ngayon ang pamilya sa tulong na binibigay ng kamag-anak na nasa abroad.

Labis din ang pagsisisi ng Inang si Arlene dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, ''Kung sana ako din nakatapos din po hindi po ganito ang buhay na madanas ko. Kaya napakalaking bagay po na makapagtapos iyong mga anak ko dahil napakahirap po maghanap ng trabaho.''

Sa kabila ng lahat patuloy na nagsisikap si Alecia at saksi ang kaniyang gurong si Gng. Arlene De Pedro, ''Nagbibigay po siya ng inspirasyon. Lalo na po sa mga kaklase niya kasi po makikita po sa kanya na kahit siya ay may kapansanan, hindi man siya buo na normal talaga na bata pero makikita sa kaniya na sobra iyong pagpupursigi sa pag-aaral. Alam ko ang batang ito may mararating sa buhay.''

Dahil sa kaniyang pagpupursigi, nakasama si Alecia sa 75 scholar ng Eduk-Aksyon Project ng DZMM Lingkod Kapamilya. 

Isa rin siya sa mga batang naging biktima ng bagyong Ondoy at ng Habagat na nakitaan ng dedikasyong makapagtapos. Sa Eduk-Aksyon, binibigyan ang bawat scholar ng mga libreng gamit katulad ng bag, school supplies, uniform at allowance mula grade 1-7.

Ayon mismo kay May Valle-Ceniza, Head ng DZMM Special Projects, bahagi ng paglilingkod sa ating mga kapamilya na mabigyan ang mga kabataan ng pag-asa na magpatuloy sa buhay, ''Siyempre ang gusto nating iparamdam sa kanila, na kahit anumang sakuna ang mararanasan mo sa buhay, meron at merong mga mabubuting loob na pwedeng tumulong sa iyo at kaya mo pa ring matupad ang inyong pangarap.”

Isa lamang si Alecia sa milyun-milyong bata na gaano man kahirap ang kalagayan, naniniwalang may paraan para magtagumpay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.