OFW sa loob ng 20 taon, inilibot ng anak sa Asya nang magretiro

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 08:32 PM | Updated as of Jun 16 2017 04:42 AM

Sa loob ng 20 taong pagtatrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa, hindi na matandaan ni Teresita Alcanzare ang huling beses kung kailan siya bumili ng damit para sa sarili. Kamakailan ay sinundo si Alcanzare ng anak mula sa Hong Kong sa araw ng pagreretiro nito. 

Nasa Singapore si Alcanzare kasama ang anak na si Hans. Iyon ang bansang pangarap puntahan ni Alcanzare, at iyon din ang una nilang destinasyon sa kanilang bakasyon sa iba't ibang bansa sa Asya. Ang bakasyong ito ang regalo ng kanyang mga anak sa kanyang pagreretiro. Sa Singapore din nakabili, matapos ang mahabang panahon, ng damit sa Alcanzare para sa sarili. 

Nakapag-shopping at nakapag-food trip na rin sila sa Singapore.

Bakas sa mukha ni Alcanzare ang gaan, ngayong tapos na ang 20 taong pagtatrabaho niya sa Hong Kong upang maitaguyod ang mga anak at kanilang pag-aaral. 

"Nangarap lang ako dati na makarating kahit isang bansa lang maliban sa Hong Kong. Sabi ko, kahit isang bansa lang, pero higit pa pala doon ang mapupuntahan ko, kaya sobrang saya ko, at naluluha ako kasi dati, pangarap ko lang iyon. Ngayon, magiging totoo na," sabi ni Alcanzare. 

Sabik na rin siyang umuwi sa bansa pagkatapos nilang tumulak sa mga bansang Singapore, Indonesia, Vietnam, Taiwan, Malaysia, Thailand, at Macau sa loob ng isang buwan.

Pagkatapos ng pagliliwaliw sa iba-ibang lupalop, plano pa ring magretiro ni Alcanzare sa Pilipinas. Nais kasi niyang makasama na nang mas matagal ang mga anak at apo. 

"Iba pa rin kasi ang manatili at tumatanda ka sa bayan mo dahil alam mo na may mag-aalaga sa iyo kahit uugod-ugod na ako. Mas masaya pa rin na malapit ka sa mga pamilya mo lalo pa ako ay tumatanda na," ani Alcanzare.

Hindi rin nagtatapos sa regalong bakasyon ang ibibigay ng mga anak. Plano nilang magbigay ng buwanang allowance sa ina. Balak din nilang tuparin ang balak ng ina na magkaroon ng bigasan upang may pagkaabalahan ito.

Paghihirap ng inang OFW 

Bago ito nakamit ni Alcanzare, hindi naging madali ang mga lumipas na taon para sa kanya at sa mga anak. 

Ilang araw pa lamang siya sa Hong Kong nang nabalitaan niyang naospital ang kanyang panlimang anak dahil sa sakit na bronchopneumonia.

Natanggal pa siya sa unang trabaho sa loob ng unang dalawang linggo dahil sa problemang pinansiyal ng kanyang amo. 

Hindi naman daw siya makauwi dahil alam niyang hindi na siya makababalik kung gayon, kaya ipinagdasal na lamang niya ito, at pinilit na makipagsapalarang muli sa parehong bansa upang makahanap ng bagong amo. 

"Nakipagsapalaran ako dahil kailangan kong buhayin ang pitong anak ko. Hangaang sa magkasakit at maospital ang anak ko. Hindi ko alam kung saan kukuha ng panggastos at wala kang idea kung ano kalagayan nila," kuwento ni Alcanzare.

Pamilya Alcanzare taong 1998.

Sa kabutihang palad, nakahanap siya ng panibagong mapagtatrabahuhan. Ito ang pamilyang pinagsilbihan niya nang 18 taon.

Pamilyang pinagsilbihan ni Teresita Alcanzare sa loob ng 18 taon.

"Ang sakit sa pakiramdam na inaalagaan mo 'yung mga anak ng iba, pero di mo maalagaan ang sarili mong mga anak. Tuwing inaalagaan ko ang mga anak ng amo ko, laging tumutulo ang luha ko. Iniisip ko kung okay ba ang mga anak ko, kung kumain na ba sila, o ano na ba ang gingawa nila," ani Alcanzare.

Mga batang inalagaan ni Teresita Alcanzare sa Hong Kong sa loob ng halos 20 taon.

May panahon ding halos wala nang suwelduhin si Alcanzare dahil sa madalas na pag-advance ng sahod. Nangutang din ito sa mga kaibigan, mabayaran lang ang tuition ng mga anak. 

"Noong time na nagsabay-sabay na sila mag-college, doon na ako nabaon sa utang. Nanghihiram ako sa mga kaibigan ko...hinihiram ko muna then ipadadala sa mga anak ko. 'Pag wala na talaga akong choice, doon na ako talaga nagsasabi sa employer kong si Mr. Lee," aniya.

Masakit man para sa kanyang ipaubaya sa mga kamag-anak ang mga anak, humugot siya ng lakas sa kanyang layunin na mabigyan sila ng magandang buhay at edukasyon.

Hinagpis ng mga naiwang anak

Inamin naman ng mga anak na nagtanim sila ng sama ng loob sa ina dahil hindi ito nakauuwi sa mga mahahalagang okasyon. 

"Mahirap po kasi tuwing papasok ako sa school, nakikita ko mga classmates ko na hinahatid sila ng nanay nila sa umaga, tapos susunduin naman sa hapon. Kapag may mga event sa school na nanay ang kasama, laging 'yung tita ko ang uma-attend para sa akin, at may halong inggit sa mga batang kasama ang nanay nila. Di rin siya nakaka-attend sa special milestones naming magkakapatid tuwing birthday namin o graduation," ayon kay Hans. 

Nang tumagal, nasanay na rin ang magkakapatid, at nagtulong-tulong sila upang suportahan ang isa't isa sa mga panahong wala ang ina. Napagtanto rin nila na lahat ng ginagawa ng ina ay para sa kanila. 

"Lahat ng ginagawa ni Mama ay para sa amin. Laging umiiyak si Mama noon, kaya nangako kami sa kanya na pagbubutihin namin at magtatapos ng pag-aaral, ano man ang mangyari. Nahirapan man siya sa pagpapaaral sa amin dahil sabay-sabay kaming nag-college, pero hindi siya sumuko," sabi ni Hans. 

Wala mang naipundar na mansiyon si Alcanzare, masaya siyang napagtapos na ang mga anak. 

"Iniwan ko sila, mga bata pa, pero ngayon, lahat may lisensiya at titulo na. May magagandang buhay at may magandang trabaho. Iyon ang pinakamasarap na pakiramdam na puwedeng maramdaman ng isang ina. 'Yung makita silang successful," ani Alcanzare. 

Matapos ang 20 taon, nakapagtapos ang kanyang pitong anak ng kolehiyo, at ngayon ay mga propesyonal na sila sa kanya-kanyang piniling karera. 

Sinundo ng bunsong anak na si Hans Alcanzare ang inang OFW na si Teresita Alcanzare sa paliparan sa Hong Kong. Retrato ni Hans Alcanzare.

"Ma, we owe you a lot. Di kami makakarating kung nasaan man kami ngayon kung di dahil sa 'yo. We are so blessed to have a mom like you na hindi sumuko sa amin," pasasalamat ni Hans. 

May mensahe naman si Hans sa mga tulad niyang anak ng OFW:

"Ang pagsisikap ng isang ina ay di matutumbasan ng kahit ano mang bagay kaya huwag natin sayangin ito. Ang pangarap ng ina sa kanyang mga anak ay di matutupad kung hindi tutulungan ng mga anak. I'm sharing this to inspire other OFWs na huwag sumuko sa mga anak. Huwag kayong bibitaw. Darating din po ang araw ng graduation ninyong mga magulang at ang anak niyo po ang magbibigay ng diploma ninyo." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.