'Baybayin,' ibinibida ng isang clothing line sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 05:39 PM | Updated as of Jun 13 2018 06:39 PM

Pagtangkilik sa sariling kultura ang nagtulak sa dating overseas Filipino worker (OFW) na si Menan de Leon na magtatag ng kaniyang sariling clothing line.

Tampok ang "Baybayin" o ang sinaunang paraan ng pagsulat bilang disenyo ng mga ibinebentang damit ni de Leon.

"Gusto ko sana pangunahan na tayo 'yong unang magsusulong ng mga katutubong panulat," sabi sa programang "My Puhunan" ni de Leon, tagapagtatag at may-ari ng Indio Filipino Clothing sa Malolos, Bulacan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagtatrabaho noon bilang inhenyero sa Saudi Arabia si De Leon nang maisipang pumasok sa pagnenegosyo.

"Nakita ko na parang karamihan sa ating mga kababayan, mahilig sa imported brands. Naisip ko parang mas malalim ang kultura natin, marami pa ring makabayan," kuwento ni de Leon.

Nang makauwi sa Pilipinas bitbit ang puhunang katas ng kaniyang pinaghirapan, walang sinayang na oras si de Leon sa pagsasaliksik tungkol sa Baybayin.

Layunin din ng negosyo ni de Leon na itama ang maling pagtawag sa Baybayin bilang Alibata, na madalas aniyang itinuturo sa mga bata.

"Alam ko simula noong nag-aaral tayo noong elementarya, mayroon na tayong sariling panulat ngunit ang tawag dito noong itinuturo sa'tin sa eskuwelahan ay Alibata," ani de Leon.

"Sa ating pagsasaliksik nakita nating 'di pala tama yung Alibata, ito pala ay baybayin," dagdag niya.

Ayon kay De Leon, mga kapwa balikbayan ang unang tumangkilik sa Indio Filipino Clothing noong nagsisimula pa lang ito.

Pinakamabenta raw ang mga damit na may nakatatak na "Pilipino" at "Kayumanggi" sa Baybayin.

"Proud na proud sila 'pag nasa ibang bansa sila na sila'y isang Pinoy," aniya.

Ang kapatid ni de Leon na si Meliza ang namamahala sa production house ng clothing line, na ngayon ay nakagagawa ng 90 hanggang 100 pirasong damit kada araw mula sa dating 25 damit.

Maging ang mga disenyo ng etiketa o clothing tag, at paper bag ay likha nina de Leon.

Bukod sa Baybayin, ibinibida rin sa mga damit nina De Leon ang mga katutubong simbolo at mismong logo ng brand.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.