PANOORIN: Music video ng 'Ito Ang Aming Pangarap'

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 07:40 PM | Updated as of Jun 13 2017 11:49 AM

(UPDATE) Pinangunahan ng buong puwersa ng TV Patrol ang ABS-CBN flag raising ceremony para sa pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas nitong Lunes ng umaga. 

Sa taong ito ay ipinagdiriwang ng TV Patrol ang ika-30 anibersaryo, at bilang pagdiriwang ay naglunsad din ng theme song na kumikilala sa kabayanihan ng mga ordinaryong mamamayan. 

Kasama ang anchors na sina 'Kabayan' Noli de Castro, Bernadette Sembrano, at Ted Failon, binigyang pugay sa programa ang 30 taon ng TV Patrol sa pagbabalita at paglilingkod-bayan. 

''Patuloy po tayong magtutulungan sa TV Patrol at magmamalasakit sa isa't isa bilang kapamilya sa susunod pang 30 taon. Ang aming inspirasyon ay ang inyong pagtangkilik at pagtitiwala,'' ani Ging Reyes, head ng ABS-CBN Integrated News.

Dahil dugo't buhay ng TV Patrol ang araw-araw na kuwento ng mga Pilipino, kinilala at pinaralangan ang ilan sa mga kababayan nating nagpakita ng kabutihan ng loob at katapangan sa kabila ng mga pagsubok.

Naging inspirasyon ito ng anniversary theme song at music video ng newscast.

Sinalubong sina Dolores Frando, mag-asawang Cris at Myrna Franco, at Jeferson dela Peña ng mainit na palakpakan at binigyan ng espesyal na plake na gawa ng Davao artist na si Kublai Milyan. 

Pahayag ni Frando na tumutulong sa mga batang kalye, “umpisa nang ginawa ko ito, hindi naman po ako umaasa na may ganun, na may parangal na makikita ako. Hindi ko po inaasahan ‘yun kasi ginawa ko po ito para makatulong sa mga bata, isa na rin po ito sa paglilingkod ko sa Panginoon.’’

Kasabay din ng pagdiriwang ang paglagda sa isang kasundaan ng TV Patrol, DZMM, ABS-CBN Access, Public Service Convergence at Digital Terrestial Television, kasama ang mga partners sa pamahalaan at pribadong sector gaya ng Department of Labor and Employment, Department of Science and Technology, Philippine Institute of Volcanology and Seismology, PHAP, House of David Foundation, Carl Balita Livelihood Center, Energy and Development Corporation Disaster team, Rebisco, at Unilever.

Isinagawa ang covenant signing para sa pagpapatibay ng tuloy-tuloy na paglilingkod ng TV Patrol sa mga susunod pang mga taon.

Tunghayan ang nakaaantig na kuwento ng buhay at tagumpay ng apat nating mga Kapamilya na bida sa 'Ito Ang Aming Pangarap', ang theme song ng TV Patrol sa okasyon ng ika-30 anibersaryo nito. 

Sinasalamin nila ang mga pangarap at pagmamalasakit ng ating mga kababayan. Ang kanilang mga kuwento ang inspirasyon ng TV Patrol sa patuloy nitong paglilingkod sa mga Pilipino, saan man sa mundo. 

Nauna nang inilunsad ang music recording para sa ika-30 anibersaryo ng TV Patrol. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.