PANOORIN: Mala-Europe na pasyalan sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 09:39 PM

Ipinagmamalaki ng isang resort sa Bamban, Tarlac ang mala-Europang ganda nito.

Maaaring masilayan sa Goshen Resort sa Tarlac ang replika ng Flavian Amphitheater na simbolo ng pagkamartir ng unang Kristiyano sa Rome, Italy.

Maliit lamang ang replika na tinatawag ding 'Dambana ni Yahweh' dahil sumisimbolo din ito ng selebrasyon ng pananampalataya, ayon sa may-ari.

Maliban sa pagiging sentro ng atraksiyon sa Goshen, ang replika ng Flavian Amphitheater ay maaari ring pagdausan ng mga concert at iba pang events. Ginagamit din itong lugar para sa pictorial, lalo na ng mga magpapakasal.

Hindi rin papahuli ang Goshen resort pagdating sa adventure dahil puwedeng mag-ikot sa lugar sakay ng pinarerentahang all-terrain vehicle o ATV. Maaari itong rentahan ng 30 minuto, isa’t kalahating oras, o tatlong oras.

Sa una ay mga opisyal muna ang magmamaneho ngunit kapag kaya na ng guest, ipinapasa na nila ito. 
 
Matapos ang adventure, maaari ring kumain at tikman ang specialty nila na binakol o tinola na may coconut juice at karne. Mayroon ding chicken and pork ribs adobo at pinaputok na isdang pampano, at iba pang lutong-bahay. 

Mayroon ding kapatagan na maaring pasyalan ng mga bisita.

Dating tubuhan ang tinatayuan ng Goshen pero sinunod nila ang tabas ng bundok at lupa.

Napaliligiran ito ng mga punongkahoy kaya hindi masyadong mainit at masarap mag-swimming.

May mga dagdag pa silang sorpresa sa mga bibisita pagdating ng Disyembre. 

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.