Extra income para sa kababaihan, posible sa P5 puhunan

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 09:07 PM | Updated as of Jun 07 2017 04:42 AM

Pinatutunayan ng kababaihan sa Brgy. Commonwealth sa Quezon City na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-asenso sa buhay.

Sumasailalim sa libreng training ang kababaihan dito tungkol sa paggawa ng naiibang accessories, pinagandang tsinelas at iba pa.

Ayon sa kagawad ng Brgy. Commonwealth na si Sarah Marano, layunin ng libreng training na kumita ang mga kababaihan.

“Ito po ay libreng livelihood training. Layunin po nitong matulungan natin ang ating mga kababaihan na magkaroon sila ng extra income. Natututo po sila na kumita nang sarili nila,” ani Marano.

Dagdag pa niya, unti-unti ding nalalabanan ng livelihood projects ang mga gawaing humadlang sa pag-asenso gaya ng katamaran, sugal, at iba pa.

Sa puhunang P35-P40, naibebenta ng mga babae ang mga pinagandang tsinelas sa halagang P150 hanggang P200.

Naibebenta naman sa halagang P10 hanggang P15 ang customized accessories na may puhunang P5 lamang.

Isa sa mga kumuha ng libreng training si Judith Ruwin. Kuwento niya, natuto siyang magtahi ng mga unan at nararamdaman niya na ngayon ang pag-asenso.

“Dahil po naman libre at tulong pangkabuhayan na rin po, malaki pong bagay na dapat matutuhan ng kababaihan dahil wala naman pong mawawala, mas matututo ka pa,” ayon kay Ruwin.

Nabebenta ni Ruwin sa halagang P350 ang bawat unan na ginagawa niya.

Hiling din ng mga babaeng sumailalim sa training, lalo pa sanang suportahan at tangkilikin ng publiko ang kanilang mga produkto.


-- Ulat ni Karen Davila sa Bandila, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.