SILIPIN: White sand beaches, butanding, at iba pang likas na yaman ng Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 03:39 PM | Updated as of Jun 03 2017 03:46 PM

Binisita ng grupo ng 'Kabayan Special Patrol' ang probinsya ng Sorsogon na may magagandang likas na yaman at iba’t ibang activities na maaaring subukan.

Butanding sa Donsol

 

Mahigit 500 kilometro mula Maynila, mararating ang Donsol, Sorsogon. Dito maaaring masilayan ang ipinagmamalaking butanding o whale shark.

Aabot sa higit 40 talampakan at may bigat na 21 tonelada ang pinakamalaking butanding na naitala ng mga marine biologists.

Tinatawag itong "filter-feeders" dahil hinihigop ng butanding ang tubig-dagat habang sinasala ang mga kakaining "plankton" na sagana naman sa Donsol.

Kuwento ng butanding interaction officer na si Omar Nepomuceno, walang nakikitang whale shark kapag sobrang linaw ng tubig dahil wala silang pagkain.

Dagdag pa ni Nepomuceno, karaniwang 30 bangka lang na may lamang anim ang pinapayagang magtungo sa lugar at maaaring sumisid upang mapangalagaan ang mga butanding.

Sumasailalim din sa video briefing ang bawat turista upang maging maayos ang interaksyon sa butanding,

Ayon pa sa World Wildlife Fund (WWF) staff na si Romeo Asejo Jr., hindi maaaring banggain at harangan ang daanan ng mga butanding.

“Mayroong tendency na matatakot po [ang butanding], maaari pong lumiko siya… maaari rin pong umilalim siya so… hahampas yung buntot niya, ito po ang pinaka-dangerous pong parte ng sharks,” paliwanag ni Asejo.

Noong 2016, aabot lang sa mahigit 7,000 ang naitalang sighting ng iba't ibang whale shark sa buong mundo at itinuturing na endangered specie na ngayon ang butanding.

“Masyado pong mabagal ‘yung kanilang pag-reproduce, so ibig sabihin po noon, ‘yung population po nila is kaunti lang po. Saka nga po dahil sa malaki sila, madali po silang i-hunt. Mabuti po sa atin, saka sa India, Australia, mayroon pong batas na sinusunod,” ayon sa WWF.

Higit sa lahat, proteksiyon ang kinakailangan ng maaamo at kamangha-manghang butanding na labis ang naitutulong sa kabuhayan ng mga taga-Donsol at sa turismo ng bansa.

Ayon kay Sorsogon Governor Robert Lee Rodrigueza, "best practice" na ang pamamahala ng local toursim office at ng Butanding Interaction Center sa Donsol, Sorsogon.

Pinapaalala rin na huwag pakakainin ang mga butanding kapag nakita ang mga ito.

Para sa grupo ng ‘Kabayan Special Patrol’, isang hindi malilimutang karanansan ang makita nang malapitan ang mga butanding at nakatutuwang isipin na sa lawak ng karagatan sa buong mundo, isa ang Pilipinas sa mga pinupuntahan ng mga ito.

Pink sand, white sand beaches, makukulay na coral reef

Hindi lang mga butanding ang ipinagmamalaki ng probinsya. Mayaman din ito sa iba't ibang white sand beach at yamang-dagat.

Sa katimugang bahagi ng Sorsogon, matatagpuan ang bayan ng Matnog na dinudumog ng mga turista tuwing bakasyon.

Mula Matnog, isang oras ang babaybayin sa San Bernardino Strait para marating ang Tikling Island.

Privately owned ang may 60 ektaryang isla na napaliligiran ng white sand na nagiging kulay pink kapag tinatamaan ng araw, kaya naman dinadayo ito ng mga turista at maging ng mga mamamayan ng Sorsogon.

Kakaiba rin ang mga rock formation at baboy ramo sa Tikling. Lato o sea weed naman ang hanapbuhay ng mga taga-rito.

Halos dalawang oras naman mula sa Tikling Island ang Subic Dako na may white sand beach.

Pero ang mas pinagmamalaki ng dako ay ang mga kuweba sa gilid ng isla. Hindi madaling puntahan ang mga ito kapag high tide dahil inaabot ng tubig ang lagusan.

Makikita rin ang makukulay na bahura o coral reefs bago makapasok sa kuweba.

Giant clams, fish sanctuary sa Juag

Dinadayo naman sa Juag ang fish sanctuary na may iba't ibang klase ng isda tulad ng maya-maya, talakitok, layag-layag, surahan, samaral, malalaking lapu-lapu, bangus at ang endangered na mameng.

Makikita rin sa fish sanctuary ng Juag ang malalaking taklobo o giant clam at ang dambuhalang sea cucumber o balatan.

Ayon sa tagapangalaga ng fish sanctuary na si Alex Ganablado, higit 40 klase ng isda ang makikita sa lugar at plano pa niya ring palawakin pa ito.

“Opo, palawakin ‘yung plano ko dito para magkaroon din kami ng planting, mga corals tapos ‘yung itlugan ng mga isda,” ani Ganablado.

Halapang Lapis White Sand Bar

Isa rin ngayong umuusbong na tourist attraction sa Sorsogon ay ang halos dalawang ektaryang Halabang Lapis White Sand Bar sa Prieto Diaz na nabubuo kapag low tide.

Makikita rito ang iba't ibang shellfish tulad ng cowry, star, fish, sponges at iba pa.

Para marating ang Halabang Lapis, kinakailangan bangkain ang karagatan na sagana sa seagrass at 1034 ektaryang bakawan. Bawal ang bangkang de motor dahil masisira nito ang ekta-ektrayang sea grass at katahimikan ng lugar.

Ipinagmamalaki naman ni Governor Robert Lee Rodrigueza na mayroon pang magagandang tanawin sa Sorsogon kung saan karaniwang hanapbuhay ang pangingisda at pagsasaka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.