Barbie Imperial, 'hinamon' ng aso sa pagsisid

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 01:10 PM

Isang labrador retriever mula Anilao, Batangas ang may kakaibang kakayahan. Maliban sa kakayahang lumangoy, magaling din itong sumisid. 

Sa lupa man o sa tubig, laging sumusunod kay Danny Ocampo, isang professional scuba diver, ang aso nitong si Sheldon. 

"May times na nagda-dive kami dito, lalabas ako diyan. Sumusunod siya. Tapos biglang nagtaka ako, may kumakagat sa tangke ko. Pagtingin ko, si Sheldon pala. Tina-try niya akong iangat. Siguro iniisip niya nalulunod ako," ayon kay Ocampo. 

One-year old pa lang si Sheldon ay sumisisid na siya kasama si Ocampo.

Likas sa mga labrador retriever ang pagiging 'water dog', o ang pagkakaroon ng hilig sa paglangoy. 

"Paws nila, parang web kaya magaling silang lumangoy. [Pero] di lahat ng retrievers ay sumisisid. If ever they do, di gaanong matagal," ayon kay Dr. Kathleen Lomongo, isang veterinarian.

Mayroon ding dalawang layer ng balahibo ang labrador retriever para hindi lamigin sa tubig. Waterproof din ito kaya perfect pang-swimming.

Inimbitahan ng Matanglawin ang dating 'Pinoy Big Brother' Housemate at dating Girl Trend na si Barbie Imperial sa isang hamon sa pagsisid kasama si Sheldon. 

"First time ko po maka-encounter ng aso na kayang sumisid. Di po ako naniniwala kasi parang 'Woah!' Sobrang galing naman pag ganoon," ayon kay Imperial. 

Napabilib naman si Imperial sa kakayahan ng 'Diving Dog ng Anilao'. 

Mapapanood ang Matanglawin tuwing Linggo, alas-10 ng umaga, sa ABS-CBN Channel 2. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.