Parada at Pageant ng Kalalakihan, tampok sa Abaca Festival 2017

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 04:55 PM

Tampok ang engrandeng parada at pageant ng kalalakihan sa idinaos na 2017 Abaca Festival sa Catanduanes.

 

Ito ang opisyal na pista ng probinsiya na layong isulong ang industriya ng abaca ng Catanduanes para mas makilala sa ibang lugar.

Ayon kay Catanduanes Provincial Tourism Officer Carmel Bonifacio Garcia, ito pa lang ang ikalawang taon ng Abaca Festival pero patok na agad ito sa mga turista.

"We can claim na kami ang abaca capital of the world," ani Garcia. "Pilipinas ang nagsu-supply ng 86% (abaca products) sa world market and almost half of that, dito galing sa Catanduanes."

Ipinarada sa okasyon ang magagarbong float na ginamitan ng mga produktong abaca.

Todo-hataw din ang mga kalahok ng street dancing at creative dancing competition kung saan nanguna ang koponan mula sa Virac.

Nagkaroon din sila ng pageant para sa kalalakihan--ang "Mr. Bicol World." Nagtagisan sa tikas, kagwapuhan, talino, at audience impact ang mga pambato ng iba't ibang bayan sa Catanduanes.

Itinuturing na matagumpay ang idinaos na pangalawang Abaca Festival.

"Well-received at well-participated ng lahat ang activities namin dito," ani Garcia. "Tamang-tama ang slogan na Happy Island dahil naka-smile at positive lagi ang outlook ng lahat."

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.