Mt. Apo, bukas na muli sa publiko

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 08:00 PM | Updated as of May 27 2017 09:43 PM

Bukas na ulit sa publiko ang Mount Apo na isang taon ding isinara muna sa mountain climbers matapos magkaroon ng sunog doon noong March-April 2016.

Bukod sa natatanging likas na yaman tulad ng mga hayop, halaman, at mga puno, kinikilala rin ang Mount Apo bilang "lolo" ng mga bundok sa Pilipinas. Tahanan din ito ng tribong Bagobo na kumukuha ng kanilang kabuhayan mula sa bundok. 

Dinayo ng grupo ni Gretchen Ho ang Mount Apo para masilayan nang malapitan ang kalagayan at kagandahan ng pinakamataas na bundok sa Pilipinas.

Hindi naging madali ang pag-akyat sa Sibulan Trail dahil sa naglalakihang tipak ng bato sa daan, papalit-palit na lagay ng panahon, at sulfur gas na lumalabas mula sa bundok. 

Pero lahat ng pagod, natanggal nang matanaw na nila mula sa tuktok ng bundok ang buong probinsiya ng Davao. Mistulang abot-kamay na rin ang alapaap mula sa pinakamataas na lugar sa Pilipinas.

-- Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.