Kakaibang weekend getaway, specialty ang kape

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 08:48 PM | Updated as of May 26 2017 09:24 PM

Kung nais lumayo mula sa ingay ng lungsod at stress sa trabaho, isang bagong lugar sa Tagaytay ang maaring puntahan upang makapag-‘staycation’. Ito ang Bag of Beans Athena. 

Unang tingin pa lang sa lugar ay gugustuhin nang magpahinga at magmuni-muni dahil parang nasa bahay lang din ang pakiramdam kapag naroon. 

Ang Bag of Beans Athena ay isang ‘bed-and-breakfast’, isang lugar kung saan puwedeng mag-overnight ang mga bisita. Unang nakilala ang Bag of Beans bilang isang coffee shop sa Tagaytay. 

“Talagang mapi-feel mo na kahit wala ka sa city, at least kahit 22 hours ka lang mag-stay dito sa amin, mapi-feel mo na parang masarap, masarap magpahinga. Masarap mag-stay dito sa amin,” ayon kay Anna Liezel Perey, branch site manager ng Bag of Beans Athena. 

Malinis, maluwag at komportable ang mga kuwarto sa Athena. Sa paggising ng bisita, isang nakare-relax na view ang tatambad dahil matatanaw mula rito ang Taal Lake at mga bundok. 

May tatlong kuwarto at kaya mag-accommodate ng dalawa hanggang apat na bisita ang bawat tulugan.

Puwede ring magsagawa ng special events dito gaya ng binyag at kasal, dahil kayang maghawak ng 30-40 katao ang kanilang function hall. 

Mayroon din silang restaurant na puwedeng pasyalan anumang araw. Kung nais kumain ng agahan buong araw, mayroong breakfast samplers sa kanilang menu.

“Ngayon, kilala na rin kami sa mga main courses namin, then all Filipino kasi ang dami din namin eh. So meron din kami all day breakfast. So may Asian and Western kami na mga pagkain,” ani Perey. 

Isa sa mga specialty nila ay sweet and spicy na baby back ribs. 

Malambot naman ang kanilang roast beef na may kasamang gravy. Hindi rin ito pinirito kaya mainam ito para sa kalusugan. 

“Actually may shop kami diyan. Mga bread. Diyan kasi kami kilala sa raisin bread, and then ‘yung mga biscocho namin na binabalik-balikan ni guest. ‘Yung mga coffee namin, coffee beans. Happy kasi sila sa service, happy sa ambiance. Parang all-in-one nandito na kay Bag of Beans Athena,” sabi ni Perey. 

Siguradong recharged ang katawan at pag-iisip pagkatapos lumayo sa siyudad.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.