Vape, kasama ba sa nationwide smoking ban?

Jorge Carino, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 02:39 AM

Hindi sakop ng Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “vape,” isang uri ng electronic cigarette.

Hindi nabanggit ang vape sa EO 26 na laban sa paninigarilyo, dahil ang depinisiyon ng “smoking” sa EO ay pag-iingat o pagkontrol ng nakasinding tobacco product.

Ayon sa negosyanteng si Dennis Rostata, wala kahit trace ng tabako ang vape.

Nagpa-laboratory test siya ukol sa binebenta nyang produkto.

“Hindi naman talaga dapat isama tong vape dahil ah wala naman kasi 'tong kasamang tobacco ingredients. And then yung nicotine naman na ito, optional lang, kung gusto mong meron o wala,” ani Rostata.

Inutos din sa EO 26 na magtatag ng task force sa mga bayan at lungsod para ipatupad ang pagbabawal.

Kasama sa mga batas na ipinapatupad ng EO 26 ang Clean Air Act Of 1999 at Tobacco Regulation Act Of 2003.

Inulit sa mga ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng 1999 Clean Air Act na nagbabawal ng paninigarilyo sa enclosed public places at mga pampublikong sasakyan.

Pero pinapayagan ng EO 26 ang manigarilyo sa designated area ng enclosed public space.

Sa ilalim naman ng 2003 Tobacco Regulation Act, bawal ang sigarilyo sa pampublikong lugar, pati ang pagbebenta at pagbili ng sigarilyo ng mga menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.