Teacher, nagturo sa 21 anyos na magsulat, pinarangalan

Niña Corpuz, ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 05:48 PM | Updated as of May 19 2017 05:50 PM

May mga bayaning nagiging bayani sa pakikipaglaban, nag-aalay ng buhay, namamatay para sa bayan. At may mga bayaning nagbabahagi ng panahon, nagtuturo, nagbibigay ng ngiti. 

Bayaning Pilipino 2017 Luzon Finalists with Fr. Nilo Tanalega & ABS-CBN Special Projects Head Chit Guerrero, Niña Corpuz

Bayaning Pilipino 2017 Luzon Finalists with Fr. Nilo Tanalega & ABS-CBN Special Projects Head Chit Guerrero, Niña Corpuz

Isang teacher, mountaineer, at entrepreneur ang kabilang sa mga pinarangalan sa Luzon finalists ng Gawad Geny Lopez Jr., Bayaning Pilipino Awards 2017 nitong Huwebes sa Ateneo de Manila University sa Quezon City. 

Nauna nang pinarangalan din ang mga finalist na mga indibidwal at organisasyon mula sa Visayas at Mindanao. 

Nakakasulat na si Francis

Windel Alvarez, ALS teacher

Windel Alvarez, isang guro ng Alternative Learning System, ang nagturo sa isang 21-anyos na makapagsulat. 

Bilang isang guro ng ALS (Alternative Learning System), dumadayo si Windel Alvarez sa mga malalayong isla sa kanilang lugar sa Caramoan, Camarines Sur para turuan ang mga batang hindi nakakapag-aral. 

Nagsimula raw ito nang makilala nya si Francis na palagi raw pinagtatawanan ng mga kaedad niya sa kanilang barangay. 

“Akala ko may diperensiya sa pag-iisip pero sa kalaunan nalaman ko na hindi pala. May isang bagay lang kung bakit siya ganyan; siya ay illiterate. Sa kanyang edad na 21 hindi siya nabigyan ng pagkakataon na makatuntong ng paaralan kaya’t hindi siya marunong bumasa at sumulat at mismong kanyang pangalan ay hindi niya alam isulat.”

Kuwento ni Windel, sobra raw siyang nasaktan at naawa kay Francis, at simula noon ay ginusto na niyang magsilbi sa mga kababayan na hindi nakakapag-aral. Si Francis daw ang una niyang hinanap na estudyante nang simulan niya ang kanyang ALS program. 

“Isa sa hindi ko makakalimutang pangyayari sa aking buhay ay noong pumunta sa akin ang tatay ni Francis para magpasalamat, dala-dala ang isang pirasong papel. Sinabi sa akin na sa papel na ito ang unang beses na nakita niyang sumulat ng pangalan si Francis at hanggang sa buhay pa siya, mananatiling nakalagay ito sa kanyang pitaka dahil mas mahalaga pa ito sa pera na meron siya.” 

Proyektong 'Black Pencil'

Edmond Corpuz of the Black Pencil Project with parents Rustico and Teresita, public school teachers for 44 years

Edmond Corpuz ng The Black Pencil Project, kasama ang mga magulang na sina Rustico at Teresita, mga public school teacher nang 44 years. Photo by Niña Corpuz, ABS-CBN News

Si Edmond Corpuz naman ang nagsimula ng “Black Pencil Project.” 

Ginamit nya ang pagiging mountaineer sa pagbibigay ng tulong sa kapwa. Kasama ang mga kaibigang mahilig umakyat ng bundok, pinupuntahan nila ang mga liblib na lugar sa Batanes, Banaue, Sulu, Palawan, Bukidnon, Tarlac, at iba pang lugar sa bansa para magdala ng itim na lapis. Pero kinalaunan nakakuha sila ng suporta mula sa mga ibang tao at, ngayon, bukod sa lapis, nagdadala na rin sila ng school supplies, school bags, raincoats, at iba pa.

“We would like to think that the campaign is about inspiring people to start a cause no matter how small.” 

Ayon kay Edmond, naging inspirasyon niya ang kanyang mga magulang na sina Rustico at Teresita. Sila ay naging public school teachers sa loob ng 44 na taon. 

Kuwento ni Edmond, ang higaan niya noong bata siya ay isang blackboard at sa kabila ng blackboard ay puro mga guhit at sulat niya gamit ang isang itim na lapis. 

Proyektong pampasaya

Patrick Martin of The Happy Project

Si Patrick Martin ng The Happy Project ay naglalayong magpasaya sa pamamagitan ng kanyang mga produkto.

“The Happy Project” naman ang itinayo ni Patrick Martin. Ang layunin nito ay magpasaya at magbigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang mga produktong tinitinda tulad ng mga bags at t-shirts na may mga mensaheng, “You were born to make an impact,” at, “There is sunshine in my soul today.”

Ang gumagawa ng kanilang mga produkto ay puro PWDs (Persons with Disabilities) para mabigyan ang mga ito ng pagkakataong makagawa ng mga bagay na nagbibigay ng inspirasyon sa ibang tao. Hindi porke’t meron silang kapansanan ay hindi na sila puwedeng magtrabaho, tumulong, at makagawa ng mabuti sa kapwa.

Matatagpuan ang The Happy Project sa UP Town Center at sa Trinoma. 

Congratulations sa siyam na finalists mula sa Luzon ng Gawad Geny Lopez Jr., Bayaning Pilipino Awards 2017! 

Mabuhay kayo Edmond Corpuz ng “The Black Pencil Project”; Frederick Epistola ng “Si Liit Aralan”; Dominga Mayoc, PWD volunteer health worker; Edwin Candido ng “Baga Mo, Alaga Mo”; Windel Alvarez, ALS teacher; Patrick Martin ng “The Happy Project”; Mark Bitoin, president, Youth for Peace ng Southern Luzon; Psoriasis Philippines Online Community Inc. (PsorPhil); at Bakhita Send One Poor to School Credit Cooperative. 

Aabangan naman sa Hulyo kung sino ang magiging national winners. 

Sila ay mga paalala na ang pagiging bayani ay hindi lang sa pamamagitan ng komplikadong mga bagay. Puwede itong magsimula sa mga maliliit na paraan para makatulong sa kapwa at sa bayan.