Sikreto ng 91-anyos na lola sa katawang masigla

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 11:42 AM

Malakas ang katawan at kaya pa ng 91-taong gulang na si Bella Mishano ang mga gawaing bahay, gaya ng pagdidilig at paglilinis ng bakuran. Diretso ang kanyang postura, at matalas pa ang kanyang memorya, kaya nagagawa pa niya ang hilig niya sa pagbabasa. Sa katunayan, kahit kailan ay hindi pa siya nakararanas ng Alzheimer's disease o naco-confine sa ospital.

Ang kanyang sikreto: pagkain ng mga natural na pagkain.

"Ang mga kinakain ko, 'yung mga natural na pagkain. Mga gulay, isda, pero karne? Hindi ako talaga kumakain. Di ako masyadong gumagamit ng mga rekado. Ang mga ginagamit ko talaga ever since ay asin, kamatis. Di ako naggigisa. Di ako nagpiprito. Sinasabawan lang. Ako ang namamalengke"

Maliban dito, naglalakad din siya araw-araw bilang ehersisyo. Nananatili rin siyang positibo sa buhay. Dahil iniiwasan niyang magalit at ma-stress, wala siyang highblood, diabetes, o kahit anong matinding sakit.

'Masaya ako. I'm contented. I do not ask for more. Libre pa ako makapunta kung saan ang gusto ko. I can go even if i'm alone. Di nman ako yung hinihingal. Okay lang, makabitbit pa ako ng isa ng balde ng tubig. Kung gusto niyong mahaba ang buhay niyo, wag kayong magalit. Be pleasant to everybody,' kuwento niya.

Payo rin niya upang mapanatili ang isang magandang postura: "Di ako gumagamit ng kutson. Una, mainit. Nabasa ko sa medical journal na 'yung mga higaaan ng matatanda sa Great Britain, yung kutson, pinapatungan nila ng plywood. 'Yung kutson kasi, sumusunod sa kurba ng katawan, samantalang kung kahoy, matigas e, so yung likod mo e straight."

Kasama sa kanyang taglay na lakas ang paniniwala sa Diyos. Umaakyat pa siya sa 4th floor ng kanilang simbahan nang walang elevator.

Sana raw ay tularan din siya ng ibang senior citizens sa pagiging aktibo at malusog. Powers ng gulay at pagiging masaya ang kanyang weapon para happy ang kanyang senior moments.