ALAMIN: Dahilan at proseso ng impeachment

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 02:41 PM

Ang 'impeachment' ay ang pamamaraan ng pagpapaalis sa puwesto ng pinakamatataas na opisyal ng bansa, kasama na ang presidente, bise-presidente, justices ng Supreme Court at Chief Justice, at commissioners ng Constitutional Commission. 

Nakasaad ito sa Saligang Batas para mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno.

Maaaring ipa-impeach ang isang opisyal base sa apat na rason:

1. Kapag lumabag sa Saligang Batas
2. Treason (kapag kumampi sa kalaban ng bansa sa panahon ng giyera)
3. Graft & corruption
4. Betrayal of public trust (kahit na anong pagtataksil sa tiwalang ibinigay ng taumbayan)

Patatalsikin sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nagkasala base sa mga nasabing rason.

Hindi maaaring makasuhan ang isang impeachable official habang nasa puwesto dahil sa tinatawag na 'immunity'. Kailangan muna siyang ma-impeach bago masampahan ng kaso.

May dalawang proseso sa impeachment. Una ang impeachment proper na nagsisimula sa kamara de representante. Uupong parang piskal ang mga kongresista na magpapasya kung sufficient in form and substance ang inihaing impeachment complaint. Kung parehong sapat sa form and substance, titingnan nila ang mga ebidensya kung may probable cause. Kung meron, iaakyat nila sa Senado.

Ang Senado naman ang tatayong hukuman at magdedesisyon kung dapat tanggalin o hindi ang opisyal. Kapag ang kaso ay naisampa na sa senado, ang isang impeachable officer ay na-impeach. Pero kapag ang senado naman ay nagdesisyon na tanggalin na ang opisyal, hahatulan siyang 'guilty and removed', at ang tanging kaparusahan ay ang pagtanggal sa posisyon.

Sa kasaysayan, si dating Chief Justice Renato Corona ang kauna-unahang natanggal sa posisyon.

Ayon kay Atty. Harry Roque sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, maaari pa rin namang tumakbo ulit ang na-impeach na opisyal subalit, kapag nasampahan ng criminal case at napatunayang nagkasala, minsan kasama sa parusa ang 'perpetual disqualification from office' o 'yung hindi na puwedeng ma-qualify sa anumang posisyon.