Pahabol sa tag-araw: Cuatro Islas sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 08:49 PM | Updated as of May 13 2017 06:02 AM

Bago pa matapos ang tag-araw, may mga sumusubok pang humabol ng bakasyon. 

Sa Leyte, halimbawa, puwedeng gawin and island hopping sa tinatawag na Cuatro Islas. Kilala ang mga isla dahil sa white sand beaches dito. 

Mula Tacloban City, mararating ang Inopacan, Leyte ng hanggang tatlong oras na biyahe. Mula sa mainland ng Inopacan, puwedeng magrenta ng mga motorboat sa halagang P2,000 hanggang P4,000, depende sa laki ng bangka at sa dami ng pasahero. Tatlumpu hanggang 40 minutong biyahe muna bago marating ang isa sa mga isla.

Maaaring unang stop ang Himokilan Island. Ito ay nasasakop na ng bayan ng Hindang na katabi lamang ng Inopacan, Leyte. 

Doon bubungad agad ang white sand beach at ang tila lumulutang na imahen ng patron ng barangay na si San Pedro at ang Santo Niño. Dahil sa linaw ng tubig dagat, paboritong aktibidad doon ang snorkeling.

Sunod na puwedeng puntahan ang Mahaba Island. Kita na agad ang mga corals dahil sa linaw ng tubig.

Sa isla, may magagandang rock formations na paboritong spot ng mga turista para sa picture-taking. Sa isang bahagi naman ng isla, puwedeng pumunta upang makaranas ng kakaibang foot spa. Ang mga naroon kasi ay ang mga red shrimp na parang kumikiliti sa mga paa. 

Pangatlong isla naman ang Apid Island, kung saan may mga nakatirang halos 1,000 residente na ang pangunahing hanapbuhay ay pangingisda.

Huling stop ang Digyo Island na maliit, saktong sakto sa ibig sabihin ng pangalan nito na ‘digyo’.

Maaaring magrenta ng cottage sa islang ito sa halagang P500, o di kaya ay maaaring magtayo na lamang ng tent, kung mayroong dala.

Walang humpay naman sa picture-taking si Melrose at mga kaibigan nito na paboritong parte ng isla ang sandbar.

“Unique. Kakaiba ‘yung sandbar. Di siya common, di katulad ng iba,” ayon kay Melrose.
 
Puwede ring bumili ng mga preskong isda roon at ipaluto sa mga residente. May mga binebenta ring souvenirs sa isla, kaya naman laking pasasalamat ng mga residente roon na unti-unting nakikilala na ang kanilang lugar. Dahil dito nagkakaroon din sila ng income.

Ang Cuatro Islas ay idineklara bilang protected landscape and seascape kaya naman mahigpit itong binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Inopacan. Ang bawat bisita ay pinaaalalahanan sa tamang pagtapon ng basura.

"Lahat ng basura sa isla, dadalhin namin dito sa mainland. Every passengers’ boat, magdala ng basura nila,” ayon kay Inopacan Mayor Silvestre Lumarda.

-- Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.