Karahasan vs bata, babae, saan ilalapit?

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 02:16 PM | Updated as of May 10 2017 02:42 PM

Sa bisa ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, maaaring makasuhan ang mga nananakit, nangha-harass o nang-aabala sa isang babae o bata.

Ang barangay ang pinakamalapit na takbuhan ng kababaihan at kabataan kung nakararanas sila ng pang-aapi, pananakit o kahit na anong pang-aabala na nagdudulot sa kanila ng stress, ayon kay Atty. Claire Castro sa Usapang de Campanilla sa DZMM.

Binibigyan umano ng kapangyarihan ang barangay na proteksyunan ang mga kababaihan at kabataan.

Hanggang 15 araw ang bisa ng protection order na ihahandog sa sinumang humingi ng proteksIyon.

Kung magkasama sa iisang bahay ang nagreklamo at ang inireklamo, maaaring paalisin ang inireklamo kahit na siya pa ang may-ari nito.

Kapag nilabag ng inireklamo ang protection order, maaari na siyang arestuhin ninuman sa pamamagitan ng citizen arrest dahil itinuturing na itong krimen.

Masasampahan ng kasong administratibo o paglabag sa RA 9262 ang opisyal ng barangay na hindi magpatutupad ng protection order o 'yung mag-aareglo na lang sa dalawang partido.

Dagdag pa ni Atty. Castro, hindi dapat nilalabag ang mga barangay protection order dahil paglabag din ito sa RA 9262.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.