Batang mangingisda, pangarap maging piloto

ABS-CBN News

Posted at May 07 2017 08:40 PM

Sa tabing dagat sa isla ng Busuanga sa Palawan nagsisimula ang araw ng batang si Shemjones Guriding. Hindi para lumanghap ng sariwang hangin, kundi para maglatag ng malalansang pusit o kung tawagin nila, 'ballpen'.

Sa edad na 12, iginuhit na yata ng tinta ng mga pusit ang kanyang kapalarang pasanin ang responsibilidad na buhayin ang pamilya matapos mamatay ang kanyang tatay.

Pangarap ni Shem maging isang piloto pero dahil sa kahirapan, madalas naisasakripisyo ng grade 6 student ang kanyang pag-aaral.

Problema rin ni Shem ang lagayan ng kanyang mga gamit sa eskuwela kaya pati supot na plastik ginawa na niyang instant bag.

Sa supot na plastik din inilalagay ng batang si Lawrence Segarino ang kanyang mga libro tuwing galing sa dagat.

Gaya ni Shem, nangingisda rin si Lawrence kaya madalas hindi siya nakakapasok sa eskwela.

Namatay na ang tatlo niyang kapatid dahil sa kumplikasyon sa sakit na hika, kaya ginagawa niya ang lahat huwag lang mahirapan ang matanda at maysakit niyang ina.

Kahit mahirap, determinado si Lawrence na makapagtapos.

Ang mga tulad nila ang naging inspirasyon ng Lingkod Kapamilya para simulan ng Lingkod Kapamilya ang 'Project Genio' na layong alalayan at tulungan ang mga kabataang gustong mag-aral. 

Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News