Bakit nagkaka-allergic rhinitis?

ABS-CBN News

Posted at May 07 2017 07:16 PM | Updated as of May 10 2017 07:29 PM

Naranasan niyo na ba na pagkagising niyo pa lang ay bahing na kayo nang bahing? ‘Yung sunod-sunod at paulit-ulit?

Posibleng isa kayo sa dalawang milyong Pilipino na may allergic rhinitis.

Isa si Love Lazaro, 26-anyos, manikurista sa isang nail salon na madalas daw bumahing kahit sa harap ng kanyang customer. 

Pakiramdam niya, mas lumala ang kanyang allergic rhinitis dahil sa amoy ng kemikal sa pinapasukan niyang trabaho.

Sa ginawang pag-aaral ng National Nutrition and Health Survey, lumabas na dalawa sa bawat 10 Pilipino ang may allergic rhinitis o katumbas ng halos 20 milyong Pilipino.

Ayon kay Dr. Felicia Raquel Salvador-Tayag ng Philippine Society of Allergy, Asthma and Immunology, nangyayari ang allergic rhinitis kapag nag-overreact ang immune system sa particles sa hangin na hinihinga.

(Allergic rhinitis, often called allergies or hay fever, occurs when your immune system overreacts to particles in the air that you breathe-you are allergic to them.)

Madalas na nagti-trigger ang pollens sa kahoy, damo, dust mites o surot, molds at kemikals.

Ayon kay Tayag, malalaman kung may allergic rhinitis sa pamamagitan ng isang skin test. Maglalagay ang doktor ng maliit na amount ng allergen sa balat at titingnan kung mayroong allergic reaction. Maari ring mag-utos ng lab test ang doktor.

Ani Tayag, walang lunas sa allergic rhinitis pero puwedeng uminom ng antihistamines para gamutin ang allergy. 

Kapag lumala ang allergy, maaaring magrekomenda ang doktor na mag-immunotherapy o allergy shots ang pasyente.

Ang pag-iwas sa mga bagay na nagiging sanhi ng allergies ang pinakamabisang gawin ng isang may allergic rhinitis kaya importante na maging malinis sa loob at labas ng bahay para hindi lumala ang kondisyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.