Celebrity outfits na pasok sa budget

Marie Lozano, ABS-CBN News

Posted at May 04 2017 11:05 PM | Updated as of May 05 2017 10:47 AM

Sa halagang P300, maaari nang gayahin ang mga outfit ng inyong paboritong celebrities, gaya nina Kathryn Bernardo, Nadine Lustre, at Hollywood star na si Selena Gomez. 

Tinanggap ng fashion blogger na si Yuki Tansengco ang challenge na maghanap sa ukay-ukay ng looks ng mga nasabing artista. Eksperto na sa pagsa-shopping sa ukay-ukay si Yuki. Nahilig kasi siya sa ukay-ukay noong nasa college pa lalo’t pasok ito sa budget ng isang estudyante. 

“Timeless ang fashion at style. Kung ano ang uso dati, puwedeng maging uso ngayon, so possible talagang makakita sa ukay sa mga nakikita mo ngayon,” ani Yuki.

Hindi man umano madali ang paghahanap ng mga damit, sulit naman kapag nabuo na ang looks. 

Ang off-the-shoulder top at striped wide leg pants ni Kathryn Bernardo, P295 lang, kasama na ang sapatos at headband. 

Sa tanong naman na ‘saan aabot ang P20 mo?’ isang jacket na inspired ng suot ni Selena Gomez ang mabibili. Ang buong look ni Selena ay P285 lang. 

Medyo napamahal lang sa look ni Nadine Lustre na umabot ng mahigit P1000, dahil sa faux-leather jacket na nagkakahalaga ng P600.

May ilang tips naman si Yuki upang mapadali ang fashion hunt sa ukay-ukay. 

Dapat mag-set ng budget dahil maaaring matukso na bilhin lahat ng makukuhang mura. Kailangan ding isipin kung kailangan at gagamitin ba talaga ang mga damit na ito. 

Dahil sa init, dapat ding komportable ang isusuot sa pagsa-shopping. 

Magdala rin umano ng pegs, o retrato ng inyong #celebritygoals. 

Kung may mantsa ang makukuhang damit, pag-aralan kung puwede itong matanggal; at kung may butas, tingnan kung puwede itong tahiin pa o sulsihan. 

Mainam din umano na bumili bago ang araw ng pagdating ng mga bagong stock ng damit dahil malamang ay may bagsak-presyo. 

Huwag din umanong kalimutang labahan at ikula ang damit bago suotin. 

Pinakamahalaga sa lahat ay mag-enjoy sa pagsa-shopping dahil ang fashion, hindi kailangang seryosohin. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.