ALAMIN: Paano maiiwasan ang sunburn

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2017 01:36 AM

Mahalagang protektahan ang balat sa pagkasunog o sunburn lalo na ngayong tag-init.

Ayon kay Dr. Cherrie Abaya-Blas, isang dermatologist, mahalagang pumili ng makakapal na tela para maprotektahan ang balat mula sa sikat ng araw.

"Kailangan gumamit ka ng mga clothes, hats na makaka-protect sa radiation," aniya.

"The thicker the weave is better," dagdag ni Blas.

Bukod sa pagsusuot ng makakapal na tela, mainam rin ang paggamit ng sunblock.

Paliwanag ni Blas, mas matagal bago masunog ang balat kung mas mataas ang SPF ng sunblock na gagamitin.

Kung ang sunblock ay may SPF 15, nahaharang nito ang 93 porsyento ng sinag ng araw, samantalang 97 porsyento naman ang nahaharang ng sunblock na may SPF 30.

Ang sunblock na may SPF 50 ay nahaharang ang 98 porsyento ng sikat ng araw.

Dagdag pa ni Blas, karaniwang umaabot lamang ng 20 minuto sa ilalim ng araw bago masunog o mamula ang balat. 

Kung gagamit ng sunblock na may SPF 15, aabot sa halos 5 oras bago mamula ang balat.

Mas matagal bago mamula ang balat kung mas mataas ang SPF ng sunblock na gagamitin.

Paalala rin ni Blas, mahalagang maglagay ng sunblock 30 minuto bago lumabas at magpainit.

"At least half an hour na-apply mo na yan para nagfo-form ng barrier," aniya.

Kinakailangan rin na maglagay ng isang shot glass o 8 kutsarang sunblock para sa buong katawan.

Mainam rin na maglagay ng sunblock kada 2 oras, lalo na kung naliligo sa dagat o swimming pool.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.