Ice cream na gawa sa ampalaya, malunggay, patok sa mga health-conscious

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2018 09:13 PM

Maaring gawing ice cream ang iba't ibang gulay tulad ng ampalaya at malunggay. Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

MANAOAG, Pangasinan - Para sa mga health-conscious at mga nanay na hirap pakainin ng gulay ang kanilang mga anak, maari nang gawing ice cream ang mga gulay.

Inihalo ng ice cream maker na si Delma Sampaga ang mga gulay sa kanyang ice cream para pakainin ng gulay ang kanyang mga anak.

Kailangan lamang paghaluin ang cassava starch, skim milk, asukal, cream, vanilla at ang kung anumang gulay na nais gawing ice cream.

Matapos haluin nang isang oras, handa na ang ice cream na may gulay.

Maaring gawing ice cream ang iba't ibang gulay tulad ng ampalaya at malunggay. Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Ayon kay Sampaga, mainam na paraan ito para mapakain ng gulay ang mga bata habang kumakain ng kanilang paboritong ice cream.

"Healthy kasi ito, maraming naitutulong sa atin at para makakain 'yung mga bata kasi paborito nila ang ice cream," aniya.

Para sa mga may sakit na diabetes, mayroong ampalaya ice cream. Katamtaman lang ang tamis at hindi rin gaanong mapait.

Mayroon ding malunggay ice cream na mayaman sa iba't ibang bitamina, at gabi ice cream na mayaman sa iron para sa mga anemic at may problema sa dugo.

Ang tatlong taong gulang na si Jay Sampaga, paborito ang ampalaya ice cream.

Maaring gawing ice cream ang iba't ibang gulay tulad ng ampalaya at malunggay. Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Masaya ang kanyang inang si Julieta dahil ngayon ay hindi na siya nahihirapang pakainin ng gulay ang kanyang anak.

"Masaya ako kasi kumakain na siya ng gulay... lalo na ngayon na bata pa dapat masanay na, para maging healthy siya," ani Julieta.

Dalawampu't limang taon nang gumagawa ng ice cream ang pamilya Sampaga sa Barangay Baritao. Ang kabuhayan nilang ito ang nakapagpaaral sa kanilang mga anak.

Ayon kay Reynante Sampaga, sipag at tiyaga lang ang sikreto nila sa masarap na ice cream.

Made to order ang vegetable ice cream para masigurong sariwa ang mga sangkap at dekalidad ang lasa.

Maaring gawing ice cream ang iba't ibang gulay tulad ng ampalaya at malunggay. Elaine Fulgencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.