Estudyante, construction worker minsan, grumadweyt na valedictorian

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 07:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Walang palitada o pintura ang bahay ng pamilya Español sa Gueguesangen, Mangaldan sa Pangasinan; ang tanging palamuti nito ay mga medalyang naiuwi ni Michael simula elementarya.

Nadagdagan ito nitong Miyerkoles nang magtapos siya bilang valedictorian sa Gueguesangen Integrated School sa average na 95 porsiyento. 
    
Siya rin ang supreme student government president ng kanilang eskuwelahan.

"Na-overwhelm ako nu'ng nalaman ko po na ako po ang top-performing sa klase namin," pagbabahagi niya. 

Itinataguyod si Michael at ang tatlo pa niyang kapatid ng mga magulang na nagtatrabaho sa isang factory sa Maynila.
    
Mananahi ang kaniyang nanay habang messenger naman ang kaniyang tatay.

Nasa P10,000 kada buwan ang sinasahod ng kanyang tatay samantalang nakadepende naman sa bilang ng tinatahi ang kita ng kaniyang nanay.

"Nagpapasalamat ako sa anak ko na kahit hirap na hirap kami, nakapagtapos siya nang ganu'n," ani Marlon Español, ama ni Michael.
    
Dahil kapos, natutong dumiskarte si Michael. Tuwing bakasyon, hinuhubad niya ang school uniform para maging construction worker.

All-around siya sa construction site. Naranasan na niyang maging tagasinsil ng semento, tagabuhat, at tagapala.

Ayon kay Michael, P250 kada araw ang bayad sa kaniya na iniipon niyang pambili ng school supplies at baon para sa pasukan.

“Kung kaya ko naman po kasi, ayaw ko nang iasa sa kanila,” kuwento ni Michael.

Sa kabila ng kasipagan, nakakarinig pa raw ng hindi maganda si Michael.

"Meron pong mga taong hindi naniniwala sa atin. So payo ko po sa inyo, 'wag na po natin silang intindihin at mag-focus lang tayo sa goals natin," giit niya.

Nag-aapply siya ngayon sa mga scholarship program para makapag-enrol sa kursong accountancy. 
    
Patunay si Michael na hindi kayang gibain ng anumang pagsubok ang pangarap na tagumpay.
    
--Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.