Pagiging PNPA valedictorian ng alaga, tila pa-birthday sa ina-inahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2018 08:02 PM

Kuha ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

KABANGKALAN CITY -- Isang malaking regalo para sa kaarawan ni Nelia Deocares ngayong Martes ang nakamit ng kaniyang inaalagaang si Fritz John Vallador.

Si Vallador ay nakatakdang magtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) ngayon Marso 21 bilang valedictorian ng Maragtas Class of 2018.

Kuha ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Kuwento ni Deocares, na nanay-nanayan ng binata, ipinagkatiwala sa kanilang pamilya ang pangangalaga kay Villador noong 9 anyos pa lamang ito, dahil na rin umano sa kakulangan ng pera. 

Masayang masaya si Deocares sa nakamit ni Villador, pero inamin niyang kinakabahan siya sa mga susunod na tatahakin ng kaniyang kinikilalang anak.

Plano kasi ni Villador na mag-training sa Special Action Force (SAF) matapos ang graduation.

Sikreto sa tagumpay

Kuha ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Pinagmamalaki rin ni Deocares na mula elementarya hanggang high school ay hindi nahuhuli sa klase si Villador at kasama ito palagi sa top 10. 

Aniya, bata pa lang ay kitang kita na ang determinasyon ni Villador kaya hindi na siya nabigla na nanguna ito sa klase.

Kuha ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Dagdag pa ng nag-alaga rito, mapagkumbaba at malapit sa Diyos si Villador.

Bilang suporta sa kaniyang anak-anakan, si Deocares ay luluwas mula Kabangkalan City, Negros Occidental pa-Maynila upang saksihan ang graduation ni Villador, na tatanggap din ng Presidential Kampilan Award at Plaque of Merit galing kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kuha ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Proud din kay Villador ang kaniyang mga guro noong elementarya. 

Ayon sa kanila, dedikado at masipag ito sa pag-aaral at may pangarap sa buhay. 

Hiling nila, magsilbi siyang ehemplo sa iba pang mga kabataan.

Noon pa man ay hindi na nakita ni Villador ang kaniyang ama.

Isang overseas Filipino worker naman sa Espanya ang ina nito kaya't hindi makakarating sa kaniyang pagtatapos. --Ulat ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.