ALAMIN: Mga dapat gawin kapag nawala sa gubat, bundok

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 05:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa sa mga nauusong libangan ngayon ay ang hiking o trekking, mga aktibidad na may kinalaman sa paglalakad sa mga kabundukan o kagubatan.

Bukod sa pagiging isang uri ng ehersisyo, kamangha-mangha rin kasi ang mga tanawing sumasalubong kapag nasa tuktok ng bundok.

Subalit may mga pagkakataong ang paglalakbay sa kalikasan ay may kaakibat na peligro.

Ayon sa mountain ranger at jungle survivalist na si Martin Francisco, makatutulong ang pag-iwan ng mga palatandaan sa daanan upang maiwasan mawala, lalo kung walang kasamang tagagabay.

"Halimbawa, mga damong pinutol at mga dahon... ilalagay ko sa daan [para] kung sakaling may maghanap sa'kin, ibig sabihin, doon ako dumaan," sabi ni Francisco.

Kung kinakailangang magpalipas ng gabi sa daan, maghanda ng mga kagamitan na maaaring gawing temporary shelter o silungan.

"Kung sa palagay mo ika’y gagabihin, medyo magbigay ka ng isang oras para makapag-prepare ka [at makagawa] ng shelter," ani Francisco.

Kumuha ng malalaking sanga at humanap ng isang matatag na puno na magiging sandalan ng shelter.

Gamitin ang mga baging bilang panali at malalaking dahon bilang bubong.

Mainam ding umiwas na pumuwesto sa mga lugar na nakalubog o palalim dahil maaaring maipon ang tubig dito lalo kung umulan.

PAGGAWA NG APOY

Kung walang posporo o mga kasangkapang panggawa ng apoy, maaaring gamitin ang mga tuyong kahoy na madaling magliyab. 

Maaaring panggalingan ng ningas ang balat ng kahoy. Pinakamainam dito ay sa tuyong kawayan.

"Kunin natin 'yong pinakabalat niya na kakayasin natin ng bato para siyang pagsisimulan ng apoy," ani Francisco.

Gumamit ng matalas na bagay para kayurin ang balat ng kahoy na magsisilbing tila mitsa.

Ilagay ang lulog sa loob ng kawayan at ikiskis. 

Sa oras na magningas, dahan-dahan itong hipan para lumaki ang apoy at lagyan ng maninipis na sanga bilang panggatong. Takpan ito ng malalaking kahoy para hindi agad mamatay.

Para sa dagdag na ligtas tips, sundan ang “Red Alert” sa Facebook (www.fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (www.twitter.com/ABSCBNRedAlert).

-- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.