TINGNAN: Butanding, bakawan, ilan sa mga dinarayo sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 04:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kasabay ng inspeksiyon ng Department of Tourism (DOT) ay naghahanda na rin ang mga lugar sa Sorsogon na madalas dinarayo ng mga turista tuwing summer.

Nagsimula na kasing magdatingan sa Donsol, Sorsogon ang mga turista para sa tanyag na whale watching at "interaction."

Ayon sa mga negosyante, matumal pa ang butanding sighting dahil sa Abril pa ang inaasahang pagdayo ng mga ito sa Donsol.

Puwede namang gawing alternatibo ang karatig-bayan ng Pilar kung saan maaaring mag-snorkeling sa fish sanctuary.
    
Kapag nagutom, tikman lang ang mga lutuing ipinagmamalaki sa Pilar tulad ng kinunot o pagi na niluto sa gata, at iba pang seafoods.

Bagong atraksiyon din sa Pilar ang Malbog "cascading water."

Sa katabing bayan ng Castilla, may river cruising para makita ang nakaka-relax na tanawin sa paligid ng Nasipit Dulangan river. Puwede ring mag-kayaking sa naturang ilog.

Habang sa bayan naman ng Prieto Diaz, pamamasyal sa bakawanan ang puwedeng gawin ng mga turista. Mayroong 19 na species ng bakawan dito na dinarayo ng mga nagsasagawa ng study tour.

"Napakalaki ng potential nito sa educational [tour], so kita niyo naman oh, ang ganda, may highway tayo ng mga mangrove," pagmamalaki ni DOT-Bicol Regional Director Benjamin Santiago.

Sa mga naghahanap naman ng adventure, subukan ang surfing sa bayan ng Gubat, Sorsogon.

Katabi ng Gubat ang Barcelona, Sorsogon kung saan makikita ang kanilang tinatawag na "heritage wall."

Kulang naman ang pamamasyal sa Sorsogon kung hindi makikita ang Bulusan Lake.

Bagong atraksiyon dito ang stand-up paddling at kung pagod na, magpamasahe lamang sa kanilang floating wellness cottage. 

Hindi rin dapat palampasin ang island hopping sa Matnog, Sorsogon. 

Patok dito ang Juag Lagoon marine sanctuary kung saan makikita ang mahigit 40 species ng isda. --Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.