Telang 'inabel,' ibinida sa fashion show

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 12:27 AM

Inabel ang tawag sa mga handwoven fabric o telang hinabi mula sa rehiyon ng Ilocos.

Ito ang mga telang itinampok sa benefit fashion show na pinagmagatang "Inabel 2018," na idinaos kamakailan sa Pinto Art Museum sa Antipolo City, kasunod ng matagumpay na "Inabel 2017" noong nakaraang taon sa Currimao, Ilocos Norte

Ayon kay Joven Cuanang, ang founder ng fashion show, layunin ng fashion show na maiangat ang "inabel," at palawakin pa ang suporta sa mga magsasaka ng koton at manghahabi.

Para sa children's collection, tampok ang mga disenyong ginawa ni Niña Corpuz.

Ayon kay Corpuz, pinahahalagahan niya ang kulturang kaakibat ng tela.

Naging hamon naman para sa designer na si Otto Sacramento na bumuo ng streetwear collection gamit ang disenyo.

Huling itinanghal ang formal wear collection ni Edgar Madamba.

Ipinagmalaki ni Madamba na lubos niyang kilala ang tela dahil tubong-Ilocos siya. 

Mapupunta ang mga nalikom sa bayan ng Pinili, Ilocos Norte, kung saan naninirahan ang 95 anyos na si Magdalena Gamayo, isa sa pinakamatandang manghahabi sa bansa.

Kinilala si Gamayo ng National Commission for Culture and the Arts bilang National Living Treasure para sa kaniyang mga inabel.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.