Ika-37 Strawberry Festival ng La Trinidad, kasado na

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 06:05 PM

Kuha ni Noel Gapasin

Kasado na ang pagdiriwang ng ika-37 Strawberry Festival ng La Trinidad, Benguet sa buwan ng Marso. 

Layon nitong ibida ang strawberries bilang isa sa mga pangunahing produkto ng munisipalidad. 

Taon-taon, nasa halos 2 milyong kilo ng strawberry ang inaani rito na lumilikha ng mahigit 1,000 produkto ng mga residente.

Asahan daw ang sari-saring pakulo sa buong buwan ng Marso gaya ng float and parade competition, konsiyerto, palaro at marami pang iba.

Sinuguro naman ng mga opisyal ng La Trinidad na handa na sila para sa nasa 30,000 bisitang dadalo sa naturang pista.

“We are seeking the help of Baguio because we have no hotel, so sa Baguio iyong hotel, dito iyong okasyon. We have a few transient houses but a few hotels,” ani Mayor Romeo Salda.

Samantala, siniguro naman ng mga opisyal na hindi banta sa kanilang strawberries ang bagong lunsad na strawberry farm sa Baguio City.

Matatandaang nitong nakaraang buwan, binuksan na sa publiko ang isang strawberry farm sa Barangay Sto. Tomas Central, Baguio City para isulong ang agri-tourism sa lungsod.

Ayon kay Felicitas Ticbaen, municipal agriculturist ng La Trinidad, suportado rin nila ang strawberry farm sa Baguio.

“Actually it will be a compliment for the municipality of La Trinidad na magkaroon din ng additional area for strawberry particularly within the BLISTT area," aniya.

Maliban sa strawberries, layunin din ng pistang isulong ang iba pang produkto ng La Trinidad tulad ng kape at gulay.

Kuha ni Noel Gapasin
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.