2 centenarian, ibinahagi ang sikreto sa 6 dekadang pag-iibigan

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 06:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pambihira ang pag-iibigan nina Lolo Matangcas, 104 taong gulang, at Lola Fiyal, 102, na itinuturing na pinakamatandang mag-asawa sa Glan, Sarangani.

Tinawag nilang "second chance" ang kanilang pag-iibigan, na umabot na ng anim na dekada.

Biyudo at biyuda nang magkakilala ang dalawa noong 1950. Nasa 36 anyos noon si Lolo, 34 naman si Lola. 

"Nagpunta ako noon sa Poblacion, sabi nila may babae doon na puwedeng pakasalan. Nakita ko nga siya. Gusto ko siya," kuwento ni Matangcas Guitan.

Agad umanong tumibok ang puso ni Lolo Matangcas nang makita si Lola Fiyal.
    
Matapos ang isang linggong ligawan, napasagot niya si Lola at nagpakasal sila noong Setyembre 1950.

May tig-apat na silang mga anak sa una nilang asawa at nagbunga rin ang kanilang pagsasama ng apat pang anak.

Ngayon, mayroon na silang 100 apo.

Para sa kanilang mga anak, susi sa matagal na pagsasama ang pag-uunawaan at pagbibigayan.

"Hindi naman talaga maiiwasan ang pag-aaway pero si Papa talaga ang umuunawa kay Mama," ayon kay Julia Guitan, anak ng mag-asawa. 

"Nilalambing lang ni Papa si Mama," ani Marcelita Guitan, anak din ng dalawa. 

Payo ni lolo sa mga kabataan, "true love waits." Naniniwala si Lolo na may inilaan ang Panginoon para sa bawat isa.

"Maghintay lang. At kung mahal mo talaga siya, magpursige ka."

Insipirasyon sa Sitio Cabnot sina Lolo at Lola. Sila ang perfect example na posible ngang may forever.

--Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.