SWS: Mga lalaking edad 18 hanggang 34, mas masaya sa love life kaysa sa mga babae

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 09:45 PM | Updated as of Feb 14 2018 08:51 PM


Mas marami rin ang pipiliin ang karera kaysa buhay pag-ibig

Mas masaya sa kani-kanilang buhay pag-ibig ang mga lalaking Pilipino na nasa edad 18 hanggang 34 kaysa sa mga babaeng nasa parehong edad, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa isang survey na isinagawa mula December 8 hanggang 16, 2017, lumalabas na mas masaya ang mga lalaki (63 porsiyento) sa kanilang buhay pag-ibig, kumpara sa mga babae (50 porsiyento).
 

 

Sa survey, lumalabas na tatlo sa limang Pilipino, o 59 porsiyento, ang pipiliin ang karera o propesyon, habang nasa 41 porsiyento naman ang mas pabor sa pag-ibig, kung papipiliin sa dalawa.

Mahigit kalahati sa mga lumahok sa survey o 57 porsiyento rin ang nagsabing "very happy" sila sa kanilang buhay pag-ibig, habang nasa 29 porsiyento naman ang nagsabing maari pang maging mas masaya ang kanilang love life.

Mas marami sa mga nagsabing masaya sila sa kanilang buhay pag-ibig ay kasal na (71 porsiyento sa mga lalaki, 62 porsiyento sa mga babae) kaysa sa mga may ka-live in (62 porsiyento sa mga lalaki, 53 porsiyento sa mga babae.)

Aabot naman sa 14 porsiyento ang nagsabing wala silang love life.

Sa mga may-asawa, lumalabas na mas marami sa mga lalaki (71 porsiyento) ang nagsabing masayang masaya (very happy) sila sa kanilang buhay pag-ibig, kumpara sa 62 porsiyento lamang sa mga babae.

Lumalabas rin sa survey na mas masaya ang mga lalaking single na may edad 18 to 34 kaysa sa mga babaeng walang karelasyon na may parehong edad.

Sa mga lalaking walang ka-relasyon, nasa 45 porsiyento ang nagsasabing masayang masaya (very happy) sila sa kanilang buhay pag-ibig, kumpara sa 28 porsiyento lamang sa mga babaeng may parehong edad.

Sa mga may edad 35 pataas, mas maraming babae (23 porsiyento) ang nagsabing mas masaya sila sa kanilang buhay pag-ibig, kaysa sa mga lalaki (16 porsiyento).

Ayon din sa survey, 84 porsiyento ng mga sumagot ang nagsabing maaring pagsabayin ang pagkakaroon ng matagumpay na karera at buhay pag-ibig.

Mahigit kalahati o 58 porsiyento ang nagsabing posible (definitely possible) ito, habang 26 porsiyento naman ang nagsabing maaring maging possible (somewhat possible) ito.

 

Nasa 66 porsiyento naman ang nagsabing nagkaroon na sila ng ganitong karanasan.

Karamihan sa mga naniniwalang maaring pagsabayin ang pag-ibig at karera ay iyong mga kasal na o may ka-live in.

Sa kabuuan, lumalabas sa survey na mas maraming single o walang karelasyon ang pipiliin ang karera kaysa sa buhay pag-ibig. 

Mas marami ring babaeng walang karelasyon ang nagsabing mas pipiliin nila ang kanilang propesyon.

Lumalabas rin na mas marami sa mga mas nakatatanda ang walang karelasyon kasya sa mga mas bata.

Sa mga lalaki, 68 porsiyento na may edad 35 pataas ang walang love life, habang 42 porsiyento lang ang single sa mga may edad 18 hanggang 34.

Sa mga babae naman, 63 porsiyento na may edad 35 pataas ang single, habang 50 porsiyento lamang sa mga nasa edad 18 to 34 ang walang karelasyon.

Isinagawa ang survey sa 1,200 na Pilipino na may edad 18 pataas mula sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas (300 bawat isa mula sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.