Love language: Paano naipapahayag ang pagmamahal?

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 04:41 PM | Updated as of Feb 11 2018 05:11 PM

Mahalaga na naipapahayag sa pamamagitan ng mga salita at kilos ang pagmamahal sa isang tao dahil pinagtitibay nito ang isang pagsasama, ayon sa isang psychiatrist.

"Of course, very important 'yong love language dahil isang factor 'yon sa pagpapatibay ng relationship," sabi ni Dr. Randy Dellosa sa programang "Sakto" ng DZMM.

"Important na malaman kung ano 'yong sarili [mong] love language, importante din [na alam mo] 'yong love language ng isang partner."

Tinalakay ni Dellosa ang limang "love language" o paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal na binalangkas ng manunulat at marriage counselor na si Gary Chapman.

Una rito ang "words of affirmation" na gumagamit ng mga salita para maiangat ang pagpapahalaga o pagtingin ng isang tao sa kaniyang sarili.

"Mahilig kayong magbigay ng encouragement, madaling ma-observe 'yong mga good things, good traits, characteristics sa tao," paliwanag ni Dellosa.

Isa pang love language ay "quality time" o paglaan ng panahon para sa mga taong malapit sa iyo.

Ayon kay Dellosa, hindi lang dapat ito pinapakita sa pamamagitan ng pisikal na presensiya. Sa halip ay parehong "emotional and physical bonding."

May mga pagkakataon umano kasing magkakasama nga ang mga tao subalit hindi naman kinikibo ang isa't isa.

"Physical touch" naman ang love language ng mga taong mahilig sa pisikal na pagpapalagayan ng loob.

Karaniwan itong hinahalintulad sa public display of affection o PDA, tulad ng paghalik, pagyakap, at holding hands o paghahawakan ng mga kamay.

Dahil hindi maiiwasan na may mga taong hindi komportable na makipaglambingan sa mga pampublikong lugar, payo ni Dellosa ay magtakda ng mga hangganan.

"Siyempre may limits naman eh," sabi ni Dellosa. "'Yon 'yong magiging act of service ng guy na mahilig sa PDA, na magtimpi."

Mayroon namang mga taong mahilig makatanggap ng mga materyal na regalo bilang pagpapahayag ng pagmamahal. Tinatawag itong love language na "receiving gifts."

"Acts of services" naman ang love language ng mga taong mahilig maglingkod o gumawa ng anuman sa iba, tulad ng pagluluto.

Payo ni Dellosa, isubok ang lahat ng love language para malaman kung alin ang swak sa isang tao.

"I-try lahat ng love languages, ma-o-observe naman kung ano 'yong gusto niya eh," ani Dellosa.

Posible rin umanong magbago ang love language na gusto ng isang tao.

"Siyempre as children we want gifts, later on 'pag teenager na, baka it becomes physical affection," halimbawa ni Dellosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.