ALAMIN: 'Nanlalamig' na relasyon, paano paiiniting muli?

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 08:28 PM | Updated as of Feb 07 2018 10:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon sa mga eksperto, normal daw na makaranas ng "panlalamig" sa pagitan ng mga mag-asawa o mag-partner, lalo na kung matagal na ang pagsasama. 

Sa programang "Umagang Kay Ganda," tinalakay kung papaano mapananatili ang "init" ng pagsasama lalo na kung wala nang oras ang mag-asawa para sa isa't isa. 

Inilatag ng parenting at relationship consultant na si Maribel Dionisio ang mga posibleng dahilan ng paglayo ng loob ng mga-asawa sa isa't isa. 

Paalala ni Dionisio, maaaring magsimula ang panlalamig kahit hindi pa ganoon kahaba ang pagsasama ng mag-partner.

"Matagal man o hindi, may ilan diyan na wala pang limang taong kasal eh nanlalamig na eh. Kasi nga busy, 'yun ang ginagamit nilang palusot. Ayaw nilang makipag-date, makipag-usap," ani Dionisio.

Kadalasan, nag-uugat ang panlalamig kapag hindi naplantsa ang gusot sa pamamagitan ng malinaw na komunikasyon. 

"Kasi nga sa pagsasama natin mayroong mga alitan, tampuhan, minsan iniiwasan na lang...Pero kailangan talaga didiligan natin ang buhay mag-asawa natin," ani Dionisio.

Tips para 'mapainit' muli ang relasyon

Isa sa mga inilatag na rekomendasyon ni Dionisio ang time management.

"Kailangan once a week dates, 30 minutes to 1 hour, hindi naman kailangan may budget, maski na P10 lang, tig-isa kayong ice cream [ayos na]," saad ni Dionisio. 

Maari rin daw na kababaihan na ang mag-initiate ng date.

"Partnership 'yan eh. Hindi lang paminsan-minsan, kung maaari nga madalas sana siya (babae) ang mag-initiate kasi napapakita mo sa lalaki na, 'Wow gustong-gusto pa ako, I'm attractive.' So hindi lang lalaki ang nanunuyo," payo ni Dionisio. 

Bukod pa riyan, mahalaga rin daw na mag-kiss at hold hands araw-araw. 

Sa kuwentuhan naman umano napananatili ang koneksyon ng mag-partner.

Napakaimportante rin umano na maipakita ang admiration o paghanga sa asawa. 

Maski twice a week na "love making" ay sapat na ayon kay Dioniso, pero maaari rin daw ang yakapan at cuddle lamang. 

4 dapat gawin ng mag-partner:

1) Weekly dates; 

2) Araw-araw na mag-kiss at "hold hands;"

3) Kuwentuhan kung ano ang nangyari sa inyong araw; 

4) Sex

Nagpayo rin si Dionisio ng maaaring gawin sa Valentine's day. 

"Hindi naman kailangang magarbo."

Puwede umanong breakfast lang imbes na dinner date para tipid, o kaya'y lumakad sa mga parke upang libre. 

"It's the time you spend with each other that will make it really important," ani Dionisio.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.