Vaping, maaaring makapinsala sa DNA: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 09:01 AM

Maaaring pataasin ng vaping ang panganib ng pagkakaroon ng cancer dahil nagdudulot ang paggamit ng electronic cigarette ng pagkasira ng DNA kahit na mas kaunti kaysa sa usok ng tabako ang carcinogen na taglay nito. 

Ito ang natuklasan sa isang pag-aaral na pinangunahan ni Moon-shong Tang mula sa Institute of Environmental Medicine ng New York University sa Amerika.

Hindi kinompara ng pag-aaral ang potensiyal na pinsala ng sigarilyo at e-cigarettes na magdulot ng kanser.

Pero lumabas sa eksperimentong isinagawa sa mga laboratory rats o daga na nakasisira ang usok mula sa e-cigarette ng DNA sa puso, baga, at pantog. 

Ang DNA o deoxyribonucleic acid ang kumokontrol sa mga katangiang namamana o naipapasa sa mga magkakapamilya. 

"Thus, although e-cigarette smoke has fewer carcinogens than tobacco smoke, e-cigarette smokers might have a higher risk than nonsmokers of developing lung and bladder cancers and heart diseases," ayon sa pag-aaral na lumabas sa journal na Proceedings of the National Academy of Sciences.

("Bagaman mas kaunti ang carcinogen sa usok ng e-cigarette kompara sa usok na ibinubuga ng tabako, nakapagdudulot ang e-cigarette ng mas mataas na tsansang magkaroon ng kanser sa baga at pantog, at sakit sa puso kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo.)

Ang carcinogen ay isang substance na nagdudulot ng kanser.

Ayon sa mga eksperto, marami pang pag-aaral ang kinakailangan upang matuklasan ang mga peligrong dulot ng vaping sa kalusugan. Ito ay kahit pinaniniwalaang ang e-cigarette ay mas ligtas na alternatibo ng paninigarilyo.

Noong nakaraang taon, nagbabala ang Department of Health hinggil sa e-cigarettes dahil sa mga delikadong kemikal na nilalaman nito.

-- Isinalim mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.