'Super blue blood moon,' di konektado sa pag-aalboroto ng Mayon: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:51 PM | Updated as of Jan 31 2018 11:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang direktang kaugnayan ang tatlong sabay-sabay na moon events nitong Miyerkoles sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Paul Alanis, science research specialist ng Phivolcs, sasabog ang isang bulkan kapag namamaga na ito, kahit ano pa ang aktibidad ng buwan.

"Kung ang bulkan is prime for an eruption, kumbaga ready na siya mag-erupt, mag-e-erupt 'yan regardless kung anong object ang nasa ibabaw," paliwanag ni Alanis.

Bahagya lang aniya ang magiging impluwensiya ng gravitational pull o hatak ng buwan.

"Kung mathematics 'yong titingnan natin, mayroon pong infleunce pero in terms kung lalakas ba o hihina ['yong bulkan], napakababa po nung value or nu'ng effect niya," aniya. 

Magsasabay-sabay kasi ang "blue moon," "super moon," at "blood moon."

Tinatawag na "blue moon" kapag pangalawang beses nang nagkaroon ng full moon sa isang buwan, "super moon" ang hitsura nitong malaki dahil sa lapit sa mundo, at "blood moon" dahil sa total lunar eclipse.

Huling beses nakita ang malaking buwan na namumula sa Pilipinas noon pang 1982 o higit 30 taon na ang nakalipas.

Ayon naman kay Edmund Rosales, dating pangulo ng Philippine Astronomical Society, maaari lang maiba ang hitsura o pagkukulay ng buwan sa Albay dahil sa abong ibinibubuga ng Mayon sa himpapawid.

"Hindi ibig sabihin na dahil may lunar eclipse, may koneksiyon 'yan [sa bulkan]," sabi sa DZMM ni Rosales.

Nangangamba kasi ang ilang nakatatanda na posibleng may epekto ang kakaibang buwan sa bulkan.

"Huwag lang sumama 'yong Mayon," anang residenteng si Saning Obenita. "Pa'no 'yong mga tao dito? Magsasabay pa [sa super blue blood moon] 'yong Mayon sa pag-aalboroto."

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sakit sa baga, talamak

Talamak naman ang kaso ng mga may sakit sa baga sa mga evacuation center sa Albay dahil sa abong ibinubuga ng Bulkang Mayon.

Sa tala ng Deparment of Health, umabot sa higit 2,600 ang bilang ng mga lumikas na mayroong respiratory disease.

Marami na rin ang nagpapakonsulta sa mga rural health unit dahil sa ubo at sipon na epekto umano ng ash fall o bagsak ng abo.

Pero maging ang rural health unit ay binalot din ng abo mula sa bulkan.

Nitong Miyerkoles, dalawang beses pumutok ang Bulkang Mayon noong umaga at muli ring naglabas ng lava.

Pero ayon kay Alanis, mas kaunti na lang ito kompara sa dati.

Apektado rin ng bulkan ang mga hayop kaya pati ang mga ito ay inilikas sa mga animal pooling center.

Ang isang baka ng residenteng si Joseph Nacor ay namatay dahil umano sa init mula sa bulkan.

Nasa higit 84,000 katao na ang lumilikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa bulkan.

Ibinigay na rin sa lokal na pamahalaan ng Albay ang dagdag na P50 milyon mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para magamit sa pangangailangan ng mga evacuee.

-- Ulat ni Jeff Canoy at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.