PANOORIN: Makulay na pagdiriwang ng Dinagyang Festival

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Libo-libo ang nakisaya sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Dinagyang Festival sa Iloilo City.

Nitong Linggo, dumagundong ang mga pangunahing kalsada ng lungsod dahil sa taunang timpalak ng mga tribong Ati.

Patalbugan ang mga kalahok mula sa kasuotan, choreography, at tunog ng iba-ibang uri ng tambol.

Tema ng pagtatanghal ng 10 kalahok ang "Barter of Panay" o ang kuwento ng 10 datung Bornean na nakipagkasundo sa pinuno ng mga Ati upang patirahin sila sa isla ng Panay.

"Amazing. One of the most beautiful festivals I've ever seen," sabi ng isang banyagang turista.

Galak naman ang nararamdaman ni Zenny Cansiño nang matunghayan ang pista. 

Isang dekada na kasi siyang hindi umuuwi sa Iloilo.

"My heart cannot contain it. It's so beautiful," ani Cansiño.

Dagsa rin ang mga tao sa "sadsad" o ang pag-aalay ng mga deboto ng awit at sayaw, bibtit ang imahe ng Sto. Niño sa tapat ng San Jose Church.

Naniniwala ang mga deboto na sa tulong ng imahen ng batang Hesus ay mapagbibigyan ang kanilang mga hiling.

Ayon kay Don Mar Yap, isang deboto, naging panata na niya ang pagsama sa sadsad para ipagdasal ang maayos na kalusugan at karagdagang biyaya.

Nakisaya rin sa pista ang ilang Kapamilya stars, kabilang ang cast ng teleseryeng "The Good Son" at ang ipalalabas pa lang na "The Blood Sisters" ni Erich Gonzales.

-- Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.