Mga Dalaw sa Oas

Remote Control | Danton Remoto

Posted at Apr 20 2011 10:00 PM | Updated as of Apr 22 2011 02:53 AM

What shall we find when we return?
Friends changed, houses moved,
Trees perhaps, with new leaves
.

Robert Bly

 

I

Isinilang ako sa Basa Air Base, Pampanga. Sundalo ang tatay ko; guro naman ang aking nanay. Lagi akong naiiwan sa bahay, sa pangangalaga ng aking Lola Juana, noong hindi pa ako nag-aaral. Pango at maitim ang Lola.

“Medyo maputi ako noon,” sabi niya, “pero nasunog ang balat ko nang magsimula akong magtrabaho sa bukid.” Mahirap malimutan ang mga mata niya: malamlam, may itinatagong lalim, tila mga mata ng makatâ.

Ang aking mga magulang nama’y isinilang sa Oas, Albay. Ilang beses na kaming dumalaw roon, per ang una kong naaalala’y noong anim na taong gulang na ako. Kasama ko ang Lola Juana.

Pagkapananghalia’y nagbiyahe na kami ng Lola patungong Maynila. Sakay ng gumigiray-giray na bus na ang pangala’y La Mallorca, kampante ako sa pagkakaupo, nakatingin sa mga naglalako ng itlog ng pugo, sitsaron, sorbets, at soft drinks. Dumaan kami sa MacArthur Haywey (wala pang Candaba Viaduct noon). Sa tabi ng haywey, nag-aapoy ang mga puno ng kabalyero.

Inabot ng tatlong oras ang aming biyahe. Pagbaba naming sa Monumento’y sumakay muli kami ng dyip papuntang Tutuban. Pagkabili ng dalawang tiket sa economy class, umupo na kami ni Lola at pinalipas ang isang oras. Nagmiryenda kami ng Pepsi’t soda crackers at nagkwentuhan tungkol sa mga kamag-anak sa lalawigang babalikan. Pagkaraa’y inayos na ni Lola ang kaniyang mga gamit: itim na sigarilyo, kopya ng Liwayway, suklay na hugis ikaapat na buwan, at pulang istampita.

Mula sa malayo’y dumagundong ang tren, tila lindol. Kasabay ng isang milyong tao’y humangos kami upang makaupo kaagad. Hindi pa uso ang pilahan noon. Bara-bara ang pagpasok sa loob ng tren.

“Ang hawak mo, ‘wag mong bibitiwan!” paalala ng Lola.

“Lola, naiipit ako,” sumbong ko.

“Mama, ano ba, baka mapisa ‘yang bata!”
Para sa akin, munting milagro nang maisayad ko ang katawan ko sa upuan. Pagkabuntunghininga, tinanong ko ang Lola kung saan ilalagay ang bag na hawak ko at kung ano pa ang gagawin.

“Wala na,” marahan niyang sagot. Nasalamin ko sa kanyang mga mata ang kaunting pagkahapo habang nakatingin sa mga taong nag-uunahang makaupo.


Sa buong gabi n gaming biyahe’y natulog lamang ang Lola. Hindi ko alam kung bakit ayaw akong dapuan ng antok. Nakakain, nakaihi, at nakapagpahinga na ako’y di pa rin ako makatulog. Pinakinggan ko ang tunog ng bakal na gulong ng tren: para itong pusong muli’t muling tumitibok.

Sa labas, madilim na ang hugis ng mga dampa. May isang lampara sa bintana; mag-asawang mangga sa bakuran; kawayang sumasayaw habang hinahaplit ng hangin. Nasa bandang Quezon na yata kami nang makita ko ang dagat – madilim sa salamin, iniilawan ng malapot na liwanag ng buwang bilog na bilog . . . .

Kilala ang Oas sa tatlong bagay: halos lahat ng mga tao rito’y may apelyidong nagsisimula sa R; de-kalidad ang bagoong nito; at dito nagmula ang pinakamaraming pari sa Pilipinas. Maraming mga pari sa lahi ng aking Nanay. Hindi miminsang napuna ng mga kaanak na maaari raw akong magpari.

“Tahimik na bata,” sabi ng isang tiya. “Magiging mahusay na alagad ‘yan ng Diyos.”

“Mahilig magbasa,” dugtong naman ng isang tiyo.

“Kaya lang, mahilig ding magtanong,” sabad ng isa pang tiya. “Ang pari, dapat nagbibigay ng sagot, hindi nagtatanong.”

Alas-singko na ng umaga kami bumaba sa Polangui, katabing bayan ng Oas, matapos ang labindalawang oras ng paglalakbay. Una kong hinahanap ang Mayon. Wala. Madilim. Maaga pa kasi, kaya ni anino nito’y hindi mo maaninag. Huminga na lang ako ng malalim, ibig itago ng palihim ang bukang-liwayway sa loob ng aking katawan. Nakikipagtawaran ang Lola sa tsuper ng traysikel na maghahatid sa amin sa Oas.

Nang umandar na ang traysikel, kumapit ako ng mahigpit sa Lola, umaamot ng kaunting init. May mga gamugamo sa tabi ng kalsada, tila punit na papel na lumulutang sa mala-yelong hangin. Ang ibang gamugamo’y bumangga sa salamin ng traysikel.

Matapos mamahinga at mag-agahan, lumipat ako sa kabilang bahay upang mag-bigay-galang sa Lolo Placido at Lola Socorro, mga magulang ng aking Nanay. Matangkad at payat ang Lolo. Bakas pa rin sa kanyang mga mata ang bagsik na sumisindak sa di-ilang mag-aaral noong nagtuturo pa siya ng Matematika at Musika sa pampublikong paaralan.
Sunud-sunod ang mga tanong niya sa akin: “ Bakit di umuwi ang Nanay mo? Anong grado ka na pala? A, oo, sa isang taon ka pa nga pala mag-aaral! Dapat may honor ka, ha, lahat ng pinsan mo’y may honor. Nagpipiyano ka pa ba? Hanggang kailan ka rito? Magtutulak ka ba ng karosa sa Biyernes Santo? Nasa silid ang Lola mo, lalabas na ’yun.

Sa pagitan ng kaniyang mga tanong at ng matitipid kong sagot, tumingin ako sa sala: larawan ng tatlong anghel sa ibabaw ng piyanong dilaw na ang mga teklado; makinilyang Underwood na ginamit ng Lolo at kapwa-gerilya noong pananakop ng Hapon; retrato’t diploma ng mga tiyo’t tiya sa pader; imahen ni Hesukristong ipinako sa krus, maraming tag-araw na ang nakararaan.

Mula sa bulaklaking kurtina’y lumabas ang Lola Socorro. Tila puting belo ang kaniyang buhok. Mabagal na siyang lumakad, laylay ang balikat. Pabulong ang kanyang tinig. “Kain ka uli. May milagrosa, tapa, at tsokolate pa rito.” Bantulot akong lumapit at humalik sa kanyang butuhang kamay. Mataba ang Lola at singdilim ng gabi ang kanyang buhok sa mga retratong ipinakita sa aking ng Nanay.

Namatay ang Lola Socorro matapos ang isang taon. Tisis. Parang wala sa akin ang kanyang pagkamatay, kahit na isang umaga’y humalik ako sa kanyang kamay at sabay kaming nag-almusal. Ni hindi ako nakauwi sa kanyang libing. Hindi ako pinasama ni Nanay.

“Humahabol ka sa honor. At ano ang gagawin mo roon? Mamaya, maipit ka na naman sa tren, sige ka,” paliwanag niya.

Pitong taon lamang ako noon. Ang nasa isip ko’y mga holen na kulay-bahaghari, bayabas ng kapitbahay, dogfight ng saranggola. Kapag bata ka pa, hindi mo naiisip ang kamatayan. Kamatayan at kalungkutan, pait at galit – hihiwain ng mga ito ang dibdib mo pag malaki ka na, kapag nagsusulat ka na.
 
Labing-isang taon matapos mamatay ang Lolang di ko nakilala, nakasulat ako ng tula para sa kanya. Noon lamang natahimik ng kaunti ang loob ko.

II

Huli kaming dumalaw sa Oas noong isang taon. Malalayo ang pagitan ng aming mga dalaw, ngunit laging panatag ang pakiramdam ko: nakalalayo ako sa lungsod na madalas ay ibig kong takasan.

Sumakay kami sa Fiera ng isang tiyo. Matapos ang siyam na oras na biyahe’y narating din naming ang Oas. Nang makita kami ng Lolo’y may ginawa siyang ikinagulat naming lahat – siya’y umiyak. Biglang naglaho lahat ng kuwento sa akin ng aking mga magulang, tiyo, at tiya (namamalo ’yan ng mga daliri kapag hindi mo nasagot ang tanong niya sa Matematika; nagpapaluhod ’yan sa mga butil ng munggo o kaya’y asin . . . ); ni hindi ako makatingin sa kanya habang umiiyak siya sa may paanan ng batong hagdanan.

Mahigpit kong halukipkip ang aking mga gamit. Makaraan ang ilang sandali’y ipinasa ko na ito sa isang pinsang nag-aabang sa tabi ng nakagaraheng Fiera.

Pagkatapos ng miryenda at kuwentuhan, nagtungo kami sa sementeryo upang magbigay-galang sa puntod ng Lola Socorro. Pagkasindi ng dalawang kandila, nagdasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria ang aking mga pinsan. Tahimik akong umusal ng sariling dasal . Paalis na kami nang makita ko ang puntod ng isang mamang namatay sa gulang na 106. Katabi nito ang puntod ng batang namatay naman sa gulang na labing-anim.

“Kilala mo ba siya?” tanong ko sa pinsang si Ariel. Inginuso ko ang puntod. Mahigpit kaming pinabawalan ng isang tiya na magturo sa loob  ng sementeryo. Baka raw magalit ang espiritu at paglaruan kami. O kaya’y kunin.

“Oo,” pakli ni Ariel. “Kaibigan ko. Nalunod noong isang taon.”

Labing-anim na taong gulang, nalunod: Ito ang hantungan ng lahat, nasabi ko sa sarili, hantungan maging ng isang taong dinadalaw ng di-maipaliwanag na pangungulila. Pinilit kong patahimikin ang aking kalooban, pero parang may batong bumara sa aking lalamunan.

Kinaumagahan, sakay ng bisikleta ni Lolo’y naglibot kami ni Ariel. Kumain kami ng kuskos (halo-halo) sa palengke. Ang halo-halo sa Oas ay nakakabusog kung ihahambing sa halo-halo sa lungsod. Isang mangkok (hindi baso) nito’y apaw sa munggo, melon, buko, ube, gulaman, at leche plan – lahat sa halagang Ρ 1.50 lamang! Ang mga binatilyo’y nag-uumpok-umpok dito tuwing umaga, matapos nilang maglampaso at magpakain ng mga alagang manok at baboy. Dito’y pinag-uusapan nila ang Junior-Senior Prom, ang kanilang mga guro’t mga kaibigan, mga crush nila, ang fraternity na sinalihan, at mga plano matapos ang haiskul.

Sa hapon nama’y inakyat namin ang mga puno ng mangga, makopa, at balimbing sa bakuran ng mga kaanak. Nagpakasawa kami sa bungang matamis dahil hinog sa puno. Dito, lumabas muli ang pagkaprobinsyano ko: kumakain ng nakakamay, nagbabasa ng Hiwaga Komiks, nakataas ang paa sa silya. Wala ang maskarang minsa’y kailangan kong isuot kung ako’y nasa lungsod.

Umikot uli kami sa gabi, sakay ng bisikleta. Nagpaikut-ikot kami hanggang makita  naming nasa plasa na pala kami. Maluwag ang plasa, natatamnan ng mga santan sa kapaligiran. Malamig ang simoy ng hangin. Sarado na ang simbahan; balot ng dilim ang simboryo; binubutas ng mga bituin ang langit . . . .

Pilipino, Bikolano, at Ingles ang ginagamit naming magpipinsan kapag kami’y nag-uusap. Malapit kami sa isa’t isa, hindi dahil magkadugo kami, ngunit dahil itinuturing ko na silang mga kaibigan. Magkakaibigan kami dahil halos pareho ang mga hilig naming – tumawa, musika, lakwatsa. Matapos ang kuwentuhan sa plasa’y umuwi na kami. Wala nang katau-tao, kahit na ikawalo pa lamang ng gabi. Mga tinig na lamang ang bumabasag ng katahimikan.

Hindi kumpleto ang Mahal na Araw sa Oas kung walang prusisyon. Pagdating ng Biyernes Santo’y nililinis na’t inaayos ng mga pami-pamilya ang kanilang mga imahen. Kami nama’y inutusan na ng Lolo para ihanda ang aming karosa. Pinalibutan namin ito ng morning glory; ikinabit ng isang tiyo ang generator. Konting kalikot dito, punas doon, at handa na ang aming karosa para sa prusisyon sa hapon.

Noong 1605 unang itinayo ang simbahan ng Oas. Makailang ulit nang ibinuwal ito ng lindol, apoy, at digmaan, pero muli’t muli rin itong itinayo ng taumbayan. Ngayo’y kinulapulan ng puting pintura ang lumang simbahan, nagpapaalala sa akin ng mga nitso ng sementeryo.

Tatlumpo na lamang ang mga karosa na kasama sa prusisyon. May panahong umabot pa raw ito ng limampu, sabi ng Tatay. Nasa unahan si San Pedro – kuyom ng isang kamao ang malaking susi; nakapatong naman sa balikat niya ang isang talisayin. May imahen din ni Birheng Maria, tahimik sa kanyang kalungkutan. Ang imahen ng Hesukristong Entiyero’y kulong ng isang kabaong na salamin, sa panahon ng pansamantalang pagkagupo. Ang Hesukristong Nabuhay-Muli ay nasa dulo ng prusisyon, naliligo sa maliwanag na ilaw. Bigla kong naalala ang 16-na-taong-gulang na kaibigan ni Ariel at ako’y nanlamig, dinapuan ng magkahalong takot at lungkot.

Linggo ng Pagkabuhay. Nagsimba ako, kahit na hindi ko masyadong maintindihan ang salitang Bikolano. Halu-halo ang mga amoy sa simbahan – alikabok, pawis, kandila, insenso, lumot – pati na yata ang amoy ng dantaon.

Halos nagpapatiran ang mga letra dahil sa mabilis na pagsasalita ng matandang pari. Minsa’y sinurot niya ang organista nang bumaba ng kalahating tono ang organo. Matapos ng kumpisal, pinagalitan niya ang mga babaing naka-maong: ”Uda respeto sa Santa Misa! (Walang galang sa Banal na Misa),” Naglakbay ang aking mata mga mata – halos lahat ng babae sa simbaha’y naka-maong.

Sa pagtatapos ng Misa’y nag-iisang umawit ang pari. Nahalata niya ito. Sumigaw siya sa mikropono. “Magcanta camo gabos! (Lahat umawit).” Naghagalpakan ng tawa ang mga tao. Ito ang unang Misa ko matapos ang apat na buwang paglayo.

Isang araw bago kami umalis, sinabihan ako ng Nanay na samahan ang Lolo sa mababang paaralang pampubliko. Magtitipon daw muli ang Class 1937, sabi ng Nanay, at guro raw nila sa ikapitong baitang ang Lolo.

Nasa kabilang kalye lamang ang paaralan. Ayaw sana siyang payagang lumabas ng aking mga tiya, pero nagpumilit siya at lumabas na ng gate. Tuwid pa ring maglakad ang Lolo, pero hinawakan ko ang isa niyang kamay. Baka siya matisod. Animo’y mga berdeng ilog ang mga ugat na nagsasanga-sanga sa kanyang kamay.

Matapos kumain, nagkaroon ng isang programa. Isang mamang malaki ang panga ang nagkuwento ng mga kapilyuhang ginawa niya; isang aleng mukhang guro naman ang umawit. Nasa likod ako ng malaking silid, tahimik na nanonood. Marahan akong lumabas ng silid-aralan.

Sa ilalim ng punong-mangga, nagsindi ako ng Marlboro. Hindi ako makapanigarilyo sa bahay sa lungsod; lalong hindi ko ito magawa sa bahay ng Lolo sa lalawigan. Ang batang tahimik at mahilig magbasa, naninigarilyo na ngayon? Munting iskandalo marahil ang ihahatid nito.

Tahimik ang hapon. Sa di-kalayua’y hubad ang Mayon – walang ulap na nakatakip dito. Hindi na makinis ang balat ng bulkan, subalit bumibilis pa rin ang tibok ng puso ko tuwing makikita ko ito. Tila mayamang dibdib ang bulkan, may sariling buhay, humihinga.

Mabait siguro ako. Sabi ng matatanda, sa mababait lamang daw ipinakikita ng Mayon ang kanyang buong hugis.

Naglakad-lakad ako sa paaralan. Tuyot na petsay, umaalingasaw na palikuran, kaimitong maninipis ang dahon, silid na may bintanang kapis – muling bumalik sa akin ang mababang paaralan sa Pampanga, at tila narinig kong muli ang mga yabag ng isang pitung-taong-gulang, nagsusunog ng kilay habang nakaburol ang kanyang Lola, humahabol sa honor roll dahil lahat daw ng kanyang mga pinsa’y may ganitong karangalan; ngunit di rin naman nakaligtaan ang holeng kulay-bahaghari, ang bayabas ng kapitbahay, ang dogfight ng saranggola . . . .

Alas-kuwatro ng umaga nang gisingin ako ng nakababatang kapatid.

“Dali, Manoy, baka maiwanan ka! Alas-kuwatro y medya ang alis natin!”

Matapos mag-almusal, binuhat na namin ang mga gamit at inayos ang mga ito sa Fiera. Katitila pa lamang ng ulan. Mamasa-masa pa ang lupa.

Si Lolo’y may suot na bughaw na bonnet at makapal na kayumangging sweater. Hinalikan naming siya sa pisngi. Nangako kaming babalik uli,  kung hindi sa Mahal na Araw ay sa Araw ng mga Patay. Tumango-tango lamang siya.

Bumaba na kami sa hagdanang bato, sumakay sa Fiera, at kumaway sa Lolong nakatayo sa balkonahe. Umandar na ang sasakyan. Malayo na kami’y kumakaway pa rin ang Lolo. Habang palayo ang sasakya’y walang kakurap-kurap ang tingin ko sa Lolo, hanggang nilamon na siya ng dilim.

III

Pero hindi ko natupad ang pangako kay Lolo. Hindi na ako nakadalaw muli. Lumipat na rin sa lungsod ang pamilya ng tiyo na nag-aalaga kay Lolo. Isinama nila ang Lolo.

Huli kong nakita ang Lolo noong despedida para sa isang tiya na pupunta sa New York para dumalo sa kasal ng aking pinsan. Nag-tape kami ng isang palatuntunan – regalo  namin sa pinsang ikakasal. Ako ang emcee (dahil hindi pinaaawit ang emcee) at hinihilingan ko ng isang awit ang Lolo. Lahat ay natahimik: ang awit niya’y tungkol sa isang binatang nalulungkot; at hinihiling niyang sana’y makasama na niya ang minamahal na nahiwalay na sa kaniya.

Pitumpu’t-siyam na taong gulang na ang Lolo.

Namatay ang Lolo isang buwan matapos ang despedida. Atake sa puso. Inilibing siya sa Oas. Sa pagkakataong ito’y sumama ako sa kanyang libing.

Pagkalibing sa Lolo’y ikinandado na ang lumang bahay. Ipininid ng mga bintana’t pinto ang kanilang mga mata. Umingit ng pamamaalam ang kahoy na sahig. At tinitigan ng mga dahon sa bakuran ang bahay na wala nang laman.