Bahay ng 3 opisyal ng barangay, pinagbabaril sa Bulacan

ABS-CBN News

MANILA - Pinagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek ang bahay ng dalawang punong barangay at isa pang lokal na opisyal sa Baliuag, Bulacan, ilang oras bago ang eleksyon sa Lunes.

Kinilala ang mga opisyal na sina chairman Joey Antonio ng Barangay San Roque at chairman Ariston Mercado ng Barangay Paitan.

Kabilang din sa mga binaril ang bahay ni barangay leader na si Kaloy Garcia ng Barangay Sto. Cristo.

Nangyari ang magkakahiwalay na atake sa pagitan ng alas-9 Sabado ng gabi at alas-2 Linggo ng madaling-araw.

Inakusahan naman ni Baliuag mayoral candidate Ferdinand Estrella na politika ang nasa likod ng paninindak sa tatlong opisyal na pawang mga taga-suporta niya.

Sinubukan ng DZMM na makuha ang pahayag ni re-electionist Baliuag Mayor Carolina Dellosa ngunit hindi siya sumagot sa mga tawag at text message.

Nanawagan naman si Estrella sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na proteksyunan ang bayan at kung maaari ay ituring ito na election hotspot.

Hindi naman isinasantabi ng pulisya ang anggulong politika sa mga pamamaril ngunit patuloy pa ang kanilang imbestigasyon. -- Ulat ni Jake Morales, DZMM

Halalan 2016: Where to get live updates, election results

KNOW THE WHOLE STORY