Duterte caravan, sinalubong umano ng spikes sa Camiguin

Shiela Joy Labrador, ABS-CBN

MANILA -- Hindi lang tao kundi mga suyak o road spike ang sumalubong sa mga taga-suporta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nag-caravan sa Camiguin.

Nag-caravan ang mga taga-Camiguin sa kanilang isla kasama ang ilang taga-Cagayan De Oro at Misamis Oriental upang ikampanya ang kandidato sa pagka-Pangulo.

Kwento ni Viel Jose, isa sa nakiisa sa caravan, kasama sa kanilang pangangampanya ang anak ng alkalde na si Inday Sara Duterte.

Mainit aniya ang pagsalubong ng mga taga-Camiguin sa mga taga-suporta ni Duterte.

Ngunit sa kanilang pag-iikot sa isla, sumalubong din umano sa kanilang mga sasakyan ang suyak o spikes.

Pumutok pa umano ang gulong ng mini-van ng pamilya Madarieta dahil sa laki ng spikes.

Narekober ng grupo ang walong spikes na yari sa bakal na may habang dalawang pulgada.

Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Viel na may impormanteng nakapagsabi na may ikinalat na spikes sa daan na maaaring ikasira ng gulong ng mga sasakyang dadaan dito.

Sa kasalukuyan, umabot na sa lagpas 6,000 ang shares ng kanyang post.

Ayon sa officer-in-charge ng Camiguin Provincial Police na si Supt. Edwin Balagan, iniimbestigahan na ng Mambajao Police Station ang insidente.

Pinaparating na rin ng grupo ang kanilang reklamo sa Comelec.

KNOW THE WHOLE STORY