Bakit pinili ni Roxas ang Capiz para sa proclamation rally

Jay Ruiz, ABS-CBN News

LP standard-bearer Mar Roxas at LP vice-presidential candidate Leni Robredo. File/Jonathan Cellona, ABS-CBN News

ROXAS CITY - Isang araw bago ang Liberal Party (LP) Daang Matuwid coalition campaign kick-off dito sa Western Visayas, panaka-nakang ulan at malakas na hangin ang panahon sa Roxas City, Capiz.

Paglabas ng airport, tadtad na ng mga banners, tarpaulin at posters ng Daang Matuwid Coalition na pinangungunahan nina LP standard-bearer Mar Roxas at LP vice-presidential candidate Leni Robredo.

Isang malaking tarpaulin din ang bubungad sa mga bisita na may nakasulat na "Welcome to Roxas, birthplace of Pres. Manuel A. Roxas."

Sa inilabas na tentative schedule ng LP, alas diyes ng umaga bukas magsisimula ang proclamation rally sa loob ng 6,000-seat Capiz Gymnasium sa Roxas City.

Pangungunahan mismo ni Pangulo Benigno Aquino III ang rally kung saan pormal na ipapakilala muli ang mga kandidato ng Daang Matuwid Coalition, mula kina LP presidential bet Mar Roxas at LP VP bet Leni Robredo at ng kanilang 12 senatorial candidates.

Pagkatapos naman ng proclamation rally sa Capiz ay magsasagawa ng motorcade ang grupo papunta ng Iloilo City, ang sentro ng Western Visayas. At bandang alas sais ng gabi ay isasagawa ang ikalawang rally sa Freedom Park sa Iloilo City.

Sabi ni Team Daang Matuwid spokesman Akbayan Rep. Barry Gutierrez, gustong balikan ni Roxas ang political roots ng kanyang pamilya kaya pinili niyang dito sa Capiz magsimula ng pangangampanya.

Dito kasi galing ang angkan ng mga Roxas kabilang na ang ika limang Pangulo ng republika ng Pilipinas na si dating Pangulong Manuel Roxas, lolo at ka-pangalan ni Secretary Manuel Mar Roxas II.

Dagdag pa ni Gutierrez na gusto rin nilang iparating na mensahe sa publiko na sa ilalim ng Roxas presidency ay walang maiiwan, pantay ang atensiyon at oportunidad sa lahat ng mga lungsod, munisipalidad, at mga probinsya sa buong Pilipinas.